ni Mary Gutierrez Almirañez | March 23, 2021
Patapos nang bakunahan kontra COVID-19 ang lahat ng healthcare workers sa Pasay City, ayon sa panayam kay Mayor Emi Calixto-Rubiano nitong Martes, Marso 23.
Aniya, mahigit 97% ng mga nagtatrabaho sa ospital, barangay health center at Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT’s) ang nabakunahan na ng Sinovac at AstraZeneca.
Tinatayang umabot na ito sa 4,237 na indibidwal, kung saan 200 katao ang natuturukan kada araw mula nang mag-umpisa ang rollout.
Bukod sa libreng bakuna na inilaan ng gobyerno para sa Pasay ay inaasahan ding darating sa Abril ang binili nilang 275 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines.
Sa ngayon ay tinatarget bakunahan ang natitirang 130 healthcare workers upang makumpleto ang kanilang listahan.
Ayon pa kay Mayor Rubiano, pinaplano nilang isunod sa prayoridad ang mga senior citizen.
Kaugnay nito, umabot na sa 898 ang aktibong kaso sa lungsod, kung saan 141 ang dagdag na mga nagpositibo sa virus.