ni Jasmin Joy Evangelista | August 30, 2021
Matapos makiusap ng Philippine Alliance of Patient Organizations (PAPO) na sana'y hindi makompromiso ang kapakanan ng mga pasyente sa pagsasagawa ng mga health workers ng kilos-protesta kaugnay sa hindi naibibigay na allowance at benepisyo, tiniyak ng grupo na hindi nila pababayaan ang mga pasyente.
"Alam naman nila na pinapangalagaan namin sila. Hindi lamang ito para sa aming pansariling kapakanan pero kasama din po sila," ani Alliance of Health Workers President Robert Mendoza.
"Sa gagawin naming ito para mabigyan sila ng quality care para sa pangangalaga sa ating mga pasyente ay 'di natin sila pababayaan," dagdag niya.
Kasabay nito, sinabi ng PAPO na nakikisimpatya naman sila sa mga health workers sa laban ng mga ito.
"Ang aming fear ay mahinto ang serbisyo at 'di agad matugunan ang pangangailangan ng pasyente," sabi ni PAPO President Girlie Lorenzo.
"Sana, maisipan ng mga nagpoprotesta na grupo ng healthcare workers na hindi naman papabayaan, mayroon pa ring skeleton force kung kaya nandiyan para hindi naman zero ang care," dagdag niya.
Nakatakdang magsimula ngayong Lunes ang "mass walkout" ng mga health workers bilang protesta sa gobyerno na hindi pa anila nagbibigay ng kanilang nararapat na benepisyo.