ni Lolet Abania | January 18, 2022
Halos kalahating milyong healthcare workers ang nakatanggap na ng kanilang special risk allowances (SRA) sa gitna ng pandemya, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Martes.
“For SRA ho, for December 20 (2020) to June 30, 2021, we were able to provide 496,314 healthcare workers amounting to around P8 billion po,” ani DOH Assistant Secretary Maylene Beltran sa isang congressional hearing.
Ang data, ayon kay Beltran ay hanggang nitong Enero 14, 2022.
Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Beltran na ang DOH ay may karagdagang hiling na mahigit sa P3 bilyon halaga para maibigay ang mga SRAs ng 184,799 pang healthcare workers.
Sa usapin naman ng actual hazard duty pay, binanggit ni Beltran na may kabuuang 390,662 healthcare workers ang nakatanggap nito. Ang halagang nailabas para sa Active Duty Hazard Pay (AHDP) ay may kabuuang P6,555,957,185 hanggang nitong Enero 17.
Matatandaang noong nakaraang linggo, ang DOH ay nakipagpulong sa Department of Finance (DoF) at Department Budget and Management (DBM) upang talakayin ang pondo para sa SRA ng mga healthcare workers para sa taong 2022.
Una nang sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na para sa taong 2022, hinihingi ng ahensiya ang tinatayang P50 bilyon para pondohan ang SRAs ng mga healthcare workers.