top of page
Search

ni Zel Fernandez | April 29, 2022



Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na naggagarantiya sa benepisyo at allowances ng mga public at private healthcare workers sa panahon ng COVID-19 pandemic at maging ng iba pang public health emergency sa bansa sa hinaharap.


Sa ilalim ng Republic Act No. 11712 o Public Health Emergeny Benefits and Allowances for Health Care Workers Act, layunin ng mandato na tuluy-tuloy nang makatanggap ng benepisyo at suporta mula sa pamahalaan ang mga health care workers, parehong mula sa pampubliko at pampribadong mga institusyon.


Kaugnay ito ng pagkilala ng konstitusyon sa kritikal na gampanin ng mga health care workers upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan sa bansa.


Bilang tugon sa malaking responsibilidad na nakaatang sa mga kamay ng mga manggagawa sa larangang pangkalusugan, nais ding tiyakin ng gobyerno na maging ang mga 'modern day heroes' sa panahon ng pandemya at mga sakuna ay mabibigyan din ng proteksiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa mga benepisyaryo ng nilagdaang batas.



 
 

ni Lolet Abania | March 15, 2022



Nakatakdang mabenepisyuhan ang mga Filipino healthcare workers sa Germany na nagsilbi sa gitna ng COVID-19 pandemic mula sa COVID care bonus ng German government, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).


Naglaan ang gobyerno ng Germany ng €1 billion para sa COVID care bonus, kung saan hahatiin equally ito sa mga nurse na nasa care homes at mga nurse sa mga ospital, ayon kay Labor Attaché Delmer Cruz ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Berlin sa kanyang report kay DOLE Secretary Silvestre Bello III.


“The initiative of Germany to reward the frontline workers including our very own for their service during the pandemic is really commendable. This will inspire all the more our healthcare workers in providing the brand of service that the Filipinos are known for even in the midst of crisis,” pahayag ni Bello.


Sinabi ng DOLE na ang mga healthcare workers na nakatalaga sa elderly care ay makatatanggap ng insentibo na naglalaro mula 60-550 Euros o P3,400-P31,000.


Kabilang sa mabebenepisyuhan nito ay mga nursing staff na nagtatrabaho sa geriatric care ng tinatayang tatlong buwan sa pagitan ng Nobyembre 1, 2020 at Hunyo 30, 2022, at iyong nananatiling employed hanggang Hunyo 30.


Ang iba pang beneficiaries ng COVID care bonus ay mga support staff, gaya ng administrators at iyong mga nasa building services, kitchen, cleaning, reception at security services, gardening at grounds maintenance, at laundry o logistics.


Ang mga trainees naman para sa elderly care, ibang empleyado, volunteers, at nakilahok sa “voluntary social year” scheme ay eligible din para makatanggap ng naturang insentibo.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 20, 2022



Pirmado na ni Pasic City Mayor Vico Sotto ang kontrata ng 227 health workers under “emergency hiring” bilang tugon sa mga ospital na nangangailangan ng staff dahil kailangang mag-quarantine ng ilang personnel.


Ibinahagi ni Sotto, na kasalukuyang naka-isolate ngayon matapos magpositibo sa COVID-19, ang balitang ito sa kanyang Facebook account nitong Miyerkules kabilang ang iba pang update hinggil sa ginanap na virtual meeting kasama ang mga city officials ng Pasig.


“Personnel concerns (quarantine) are still a challenge. Yesterday I signed the contracts (COS [contract of service]/emergency hiring) of 28 GPs (general practitioners), 61 nurses, and 138 others (medical specialists, nursing attendants, PTs [physical therapists], etc.),” pahayag ng alkalde sa kanyang post.


“Cases still projected to go up. Additional contact tracers now working; now at 690; more expected to arrive,” dagdag niya.


Ayon kay Sotto, ang death rate sa Pasig sa kasagsagan ng kasalukuyang surge ng COVID-19 ay mas mababa kumpara sa mga naitalang pagkasawi noong kasagsagan ng surge ng Delta variant.


Ibinahagi rin ng alkalde na nagdagdag pa ng 2 vaccination sites habang nakatakda ring magbukas ang isang private-run vaccination site.


Ongoing ang pagpaparehistro para makapagpabakuna via PasigPass kabilang ang mga menor de edad. Ayon sa alkalde, naghihintay pa sila ng guidelines mula sa Department of Health (DOH) para sa vaccination ng mga batang edad 5-11.


Samantala, walang tugon si Sotto sa video statement ni Pasig Vice Mayor Iyo Bernardo hinggil sa paratang nito na “puro palabas” lamang ang kanyang panunungkulan sa lungsod.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page