ni Lolet Abania | May 13, 2022
Nasa kabuuang 14 kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 ang na-detect sa bansa mula sa National Capital Region (NCR) at Palawan, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang dalawang kaso ay na-detect sa NCR habang 12 naman sa Puerto Princesa City, kung saan 11 ay mga dayuhan at isang local case.
“We have detected 14 individuals with BA.2.12.1. Twelve galing sa Puerto Princesa, dalawa galing sa NCR,” pahayag ni Vergeire sa media briefing ngayong Biyernes.
Ayon kay Vergeire, ang dalawang kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa NCR ay nakatanggap na ng kanilang booster shot habang nakaranas ng mild symptoms. Sa ngayon, itinuturing na silang nakarekober matapos na makumpleto ang kanilang home isolation.
Aniya pa, ang naturang dalawang kaso sa NCR ay may kabuuang 39 asymptomatic close contacts na kasalukuyang asymptomatic din.
“Inaalam natin ngayon ang kanilang vaccination status at saka ang kanilang status sa kanilang quarantine,” sabi ni Vergeire.
Matatandaan noong Abril, na-detect ang kauna-unahang kaso sa bansa ng Omicron BA.2.12, mula sa isang babaeng turista na Finnish national, sa Baguio City.
“In totality, itong dalawang ito pareho silang more transmissible than the original Omicron variant at saka pareho silang may possibility ng immune escape based from the experts or the studies that are coming out,” paliwanag ni Vergeire.
Sinabi pa ni Vergeire na parehong ang subvariants ay na-detect sa United Kingdom, United States, at Canada.