ni Lolet Abania | November 27, 2022
Umabot na sa kabuuang 541 kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) ang nai-report sa Albay para sa period na Nobyembre 15 hanggang 25, ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU).
Batay sa report nitong Sabado, ang mga kaso ng HFMD ay nai-record sa 10 bayan at 2 lungsod ng naturang lugar.
Ang munisipalidad ng Oas ang nagtala ng pinakamaraming kaso na may 162, kasunod ang Legazpi City at Guinobatan.
Karamihan sa mga HFMD cases ay mga bata na edad isa hanggang 10. Gayunman, ang sanitary services unit ng Provincial Health Office (PHO) ay nagsimula na ring mag-disinfect sa mga komunidad.
Kabilang sa kanilang mga sintomas dahil sa HFMD ay lagnat at mga rashes. Payo naman ng mga health officials sa mga may sintomas ng sakit na manatili sa kanilang bahay upang maiwasan na posibleng makahawa sa iba.
Gayundin, paalala nila sa publiko na iobserba ang mga personal hygiene, maligo at palagiang maghugas ng mga kamay.