ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Nov. 19, 2024
Dear Doc Erwin,
Nabasa ko ang inyong nakaraang artikulo tungkol sa health benefits ng Zone Exercises at ang epekto nito sa tinatawag na “mitochondrial imbalance” na ayon sa mga scientist ay nagiging sanhi ng maraming sakit katulad ng diabetes, high blood pressure, sakit sa puso, cancer at marami pang sakit.
Bukod sa nabanggit ninyong Zone 2 exercises, may iba pa bang mga paraan upang malunasan ang mitochondrial imbalance? Paano makakatulong ang mga ito sa ating kalusugan? — Christopher
Maraming salamat Christopher sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Katulad ng nabanggit natin sa nakaraang artikulo, maraming tanyag na mga scientist na ang naniniwala na ang dahilan ng mga chronic diseases ay ang kondisyong tinatawag na “mitochondrial imbalance”. Ang mitochondria ay nasa loob ng mga cells ng ating katawan. Kino-convert ng mga mitochondria sa enerhiya ang ating mga kinakain.
Ayon sa mga scientist, kung may ‘imbalance’ ang mga mitochondria ng cells ng ating katawan, ay magreresulta ito sa malfunctioning ng ating mga organs na magiging sanhi ng iba’t ibang sakit katulad ng pagtaas ng blood pressure (hypertension), pagtaas ng blood sugar (diabetes) at hindi mapigil na pagdami ng cells (cancer). Humihina rin ang ating immunity laban sa mga sakit at maaari ring kalabanin ng ating immune system ang sarili nating katawan. Ang kondisyon na huling nabanggit ay tinatawag na “autoimmune diseases” katulad ng rheumatoid arthritis, lupus erythematosus at iba pa.
Bukod sa Zone 2 exercises ay may mga paraan na nadiskubre ang mga scientist upang maiwasan ito at mga paraan upang maibalik ang normal na functioning ng mga mitochondria.
Ang pagkain ng low carbohydrate diet o ketogenic diet ay isang paraan upang mapababa ang ating blood sugar at maihanda ang ating katawan para gumamit ng fatty acids mula sa taba (adipose tissue) ng ating katawan. Dahil dito ginagamit ang ketogenic diet upang pumayat at mabawasan ang timbang. Napatunayan din itong isa sa mga mabisang paraan upang labanan ang epilepsy at cancer.
Ngunit may isa pang mahalagang nagagawa ang ketogenic diet. Dahil sa pagkain ng mga pagkain na mababa sa carbohydrate nasasanay ang katawan nating gumamit ng fatty acids mula sa taba ang ating katawan at nagiging mas mahusay ng gumamit ang mga mitochondria ng ketones upang gawing enerhiya. Kino-convert ng ating katawan ang mga fatty acids mula sa taba ng ating katawan na maging mga ketones. Ang mga “ketones” ay mas mabisang source ng enerhiya ng ating katawan.
Dahil sa mga nabanggit, nalulunasan ang mitochondrial imbalance at nakaka-recover na ang ating mga organs katulad ng ating pancreas at liver at ginagamit na nito ang ketones bilang enerhiya.
Isa pang paraan upang ma-repair at malunasan ang mitochondrial imbalance ay ang pag-inom ng mga supplements upang tumaas ang level ng anti-oxidant na glutathione sa ating katawan. Ang supplement na “glycine” at “N-acetylcysteine” ay pinanggagalingan o precursor ng glutathione kaya’t napapataas nito ang level ng glutathione sa ating katawan. Nanu-neutralize ng glutathione ang mga free radicals kaya’t natutulungan nito upang maging healthy muli ang mga mitochondria. Tandaan na hindi epektibo ang pag-inom ng glutathione mismo dahil ito ay nasisira sa acidity ng ating sikmura kaya’t kailangan na uminom ng supplement o kumain ng mga pagkain na mayaman sa glycine at N-acetycysteine.
Bagama’t may mga paraan upang maibalik ang normal na functioning ng mitochondria, mas makakabuti kung iiwasan natin ang masira ang ating mga mitochondria o magkaroon ng mitochondrial imbalance. Nakakatulong ang pamamahinga, pag-eehersisyo, at sapat na tulog upang maiwasan na masira ang mga mitochondria sa cells ng ating katawan.
Sa pamamagitan ng mga nabanggit, maaaring mabawasan o maiwasan natin ang mitochondrial imbalance, na ayon sa mga scientist ay nagiging dahilan ng mga mga chronic diseases katulad ng hypertension, diabetes, cancer at autoimmune diseases.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com