ni Lolet Abania | August 2, 2021
Makatatanggap ang mga residente ng National Capital Region (NCR) ng P1,000 hanggang P4,000 cash aid dahil ang rehiyon ay muling isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) sa gitna ng COVID-19 mula Agosto 6 hanggang 20.
“Walang ECQ kung walang ayuda,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa briefing ngayong Lunes. “Sigurado, may ibibigay na P1,000 per person and maximum of P4,000 per family. Hindi pa lang sigurado saan kukunin,” dagdag ng kalihim.
Ayon kay Roque, inaasahan na ngayong Lunes nang hapon ipapabatid ng Department of Budget and Management (DBM) ang funding source para sa nasabing cash aid. “Para maibigay po ito sa lalong madaling panahon,” sabi ni Roque.
Una nang sinabi ng Malacañang na magbibigay ang gobyerno ng ayuda na P1,000 hanggang P4,000 kada pamilya sa mga lugar sa bansa na nasa ilalim ng ECQ sa gitna ng COVID-19 pandemic. Sinabi pa ni Roque na ang cash aid ay sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).