ni Mary Gutierrez Almirañez | May 19, 2021
Pinalagan ni Senator Risa Hontiveros ang rekomendasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na i-require munang magpabakuna kontra COVID-19 ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) beneficiaries bago sila bigyan ng ayuda o financial aid.
Aniya, “Hindi dapat binu-bully ang publiko para magpabakuna. Kaunting galang at respeto naman sa mga mahihirap. Walang kondisyon sa 4Ps law na kailangan, vaccinated ang recipients.”
Dagdag pa ni Hontiveros, “Imbes na pananakot, incentives ang dapat na ialok sa publiko para sila ay magpabakuna. Tulad halimbawa ng grocery packs o kaya naman ay paid vacation leave.”
Kaugnay ito sa sinabi ni Harry Roque patungkol sa 4P’s beneficiaries kamakailan.
Ayon pa kay Roque, “Ang daming nakikinabang sa programa na ‘yan at kapag naisama sa condition na ‘yan ay maraming mababakunahan lalung-lalo na sa hanay ng mga mahihirap.”
Matatandaan namang pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na gawin na ring prayoridad sa vaccination rollout ang mga mahihirap.