top of page
Search

Filni Angela Fernando - Trainee @News | November 5, 2023




Nagpahayag ng kagustuhang makatawid sa Rafah crossing ng 46 na Pinoy mula sa Gaza upang masiguro ang kanilang kaligtasan sa gitna ng lumalalang pag-atake ng Israel, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) Linggo ng umaga.


Ayon sa DFA Undersecretary na si Eduardo de Vega, bumaba na ang bilang ng nagnanais na makalabas ng Gaza mula nu'ng maipaalam sa kanila na hindi nila maaaring isama ang mahal sa buhay na Palestino.


Opisyal namang binigyan ng Israel ang 136 Pilipino na naiipit sa karahasan ng permisong makalabas at tuluyang makatawid sa Egypt.


Sa kasalukuyan, umaasa ang DFA na tataas ang bilang ng mga Pilipinong gustong makauwi pag nakatawid nang maayos ang naunang 20 Pinoy sa sinasabing crossing.


 
 

Filni Angela Fernando - Trainee @News | November 4, 2023




Kinondena ng pinuno ng United Nations na si Antonio Guterres ang ginawa ng pwersa ng Israel na pag-atake sa ambulansya ng Gaza na nasa labas ng ospital ng Al Shifa nu'ng Biyernes, Nobyembre 3.


Saad ni Guterres, dapat nang itigil ang nangyayaring karahasan sa dalawang bansa.


Pagbabahagi niya, labis niyang ikinatakot ang pagpapaulan ng bomba ng Israel sa mga ospital at suportang medikal sa Gaza.


Dagdag pa niya, nanghina siya sa mga imahe ng katawan ng mga inosenteng sibilyan na nagkalat sa daan.


Sinasabing namataan ang nagkalat na mga katawan sa labas ng ospital kung saan kasalukuyang tumutuloy ang mga residenteng apektado ng pambobomba.


Iginiit naman ng kalihim ng UN na labis ang epekto ng mga pag-atake sa mga sibilyan ng Gaza, lalo sa kababaihan at kabataan.


Marami sa mga naiipit ay pinagkaitan na ng karapatan, tulong, at maging binawian ng buhay.


Tinatayang 9,200 na ang namatay dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng Israel sa Gaza.




 
 

Filni Angela Fernando - Trainee @News | November 3, 2023




Nangako ang Israel na bibigyang aksyon ang pagtawid ng mga Pilipino mula sa Gaza sa Rafah border crossing, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Aniya, alam niya ang pangamba ng mga Pilipino sa mga OFW na naiipit ngayon sa pambobomba ng Israel sa Gaza.


Sa kasalukuyan, may 115 sa 134 na Pilipino ang naghihintay ng pahintulot mula sa pamahalaan ng Israel na tumawid sa Rafah, habang 19 naman ang hindi pa nagbibigay ng kanilang desisyon.


Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, natatagalan ang paglabas ng mga Pinoy dahil sa ibang dahilan at limitadong bilang na pinahintulutang tumawid.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page