ni Angela Fernando @World News | Oct. 19, 2024
Photo: Israeli army via AFP / Handout
Sinisiguro ng Israel na magbibigay sila ng pinakamatinding pinsala sa Hamas sa Gaza at Hezbollah sa Lebanon, at sinasamantala rin ang pagkakataong magtatag ng mga de facto buffer zones bilang hakbang upang bumuo ng hindi mapapalitang reyalidad bago ang halalan sa United States (US) at ang pagdating ng mauupong pangulo sa Enero, ayon sa walong sources na nakapanayam ng international news agency na Reuters.
Matatandaang naging malaking tagumpay para sa Israel ang pagkasawi ng lider ng Hamas na si Yahya Sinwar, ngunit tinitingnan din ng mga namumunong Israeli ang mga planong magdadala sa kanila sa tiyak na tagumpay na lampas pa sa kayang abutin ng militar ng bansa.
Samantala, plano ng nasabing bansa na paigtingin ang operasyong militar laban sa Hezbollah at Hamas, at matiyak na hindi muling makakapag-organisa ang kanilang mga kalaban, pati na ang pangunahing tagasuporta nito, ang Iran, at hindi na makapagbabanta sa mga mamamayang Israeli.