ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | August 27, 2024
KATANUNGAN
Nasa probinsya ako, habang ang mister ko naman ay nagtatrabaho sa Maynila. Buwanan siya kung umuwi, at may isa kaming anak. Habang wala ang mister ko, natukso akong makipagkita sa kaklase ko noong high school at sa ‘di inaasahang pagkakataon, may nangyari sa amin, hanggang dumating sa point na hindi ko na napigilan ang aking sarili at palagi na kaming nagkikita.
Gusto ng boyfriend ko na iwanan ko ang aking asawa. Magsama na lang umano kami, at isama ko raw ang aking anak sa gagawin naming paglayo, para makabuo raw kami ng tahimik at masayang pamilya.
Sino sa dalawang lalaking ito ang nasa guhit ng aking palad na nakatakda kong makasama habambuhay?
KASAGUTAN
Gumagawa ka lang ng malaking kasalanan, Eya, higit lalo kung kasal kayo ng asawa mong kumakayod sa Maynila, at habang wala siya ay nangangaliwa ka.
Kung halimbawang sasama ka sa nobyo mo na nagyayayang magpakalayu-layo, paano kayo makakabuo ng tahimik at masayang pamilya kung may niloloko kayong tao at nagkataon pang siya ang tunay mong asawa?
Dagdag pa rito, kung legal kayong mag-asawa at nilayasan mo siya, malamang na mademanda ka pa ng pangangalunya at malalagay kayo sa “wanted list”. At kung sakaling idemanda kayo ng mister mo at nagkataong natalo kayo sa kaso, kapwa kayo makukulong ng nobyo mo. Ibig sabihin, nagkakasala ka hindi lamang sa iyong asawa, anak, sa batas ng tao at Diyos, bagkus, ang pinakamabigat sa lahat ay nagkakasala ka rin sa sarili mong katinuan.
Gayunman, kung kasalanang matatawag ang muling umibig at magmahal, hindi pa huli ang lahat upang magbagong buhay ka. Mula ngayon, iwanan mo na ang iyong boyfriend habang hindi pa natutuklasan ng mister mo ang ginagawa ninyong kalokohan.
Sa ganyang paraan – sa pagbabalik sa mabuti at matuwid na landas ng buhay, matutupad ang kaisa-isang medyo gumulo at nabaluktot, pero naayos na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung aayos ka at hindi ka na muling makikipagkita o makikipag-usap sa boyfriend mo, maiiwasan ang napipintong pagkasira ng inyong pamilya hanggang sa tuluy-tuloy na bumalik ang pagmamahal mo sa mister mo na hahantong upang muling lumigaya ang inyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Tandaang kapag tunay na pag-ibig ang pag-uusapan, ito ay wala dapat halong ka-immoralan at masasaktang kapwa, na dati mong inibig at pinakasalan.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Eya, kung hindi mo iiwasan ang kalaguyo mo, ang magulo at medyo baluktot na Marriage Line (1-M arrow a.) ang mananaig – tiyak na mawawasak at tuluyan lang masisira ang inyong pamilya, magkakahiwalay kayong mag-asawa, hanggang sa tuluyan na kayong maging broken family. Kapag nangyari ‘yun, ang pangunahing magiging biktima ay ang inyong anak na walang kamuwang-muwang sa ka-immoralan na palihim mong ginagawa.