ni Jasmin Joy Evangelista | October 2, 2021
Extended hanggang Oktubre 15 ang Alert Level 4 sa NCR, ayon sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 response.
Kasabay nito, pinayagan na rin ng IATF ang pagbubukas ng fitness studios at gyms, bagama't limitado lang sa 20 porsiyentong kapasidad at para lang sa mga bakunado.
Kailangan din ay fully-vaccinated ang lahat ng gym worker.
Ayon naman sa Philippine Fitness Alliance, maliit man ang ibinigay na puwang sa kanila ay papatulan na rin nila ito kaysa wala.
"Limang buwan kami, five full months lang kaming nakapag-operate, kaya sa amin kahit gaano kaliit iyan na porsiyento tatanggapin namin," ani Gold's Gym President Mylene Mendoza.
Magkakaroon din ng mga panuntunan gaya ng advanced booking at appointment, at apat na metrong physical distancing.
Inaprubahan din ng IATF na itaas ang kapasidad para sa dine-in services gayundin sa personal care services para sa fully vaccinated.
Samantala, isinailalim naman sa modified enhanced community quarantine o ECQ hanggang Oktubre 15 ang Apayao, Kalinga, Batanes, Bataan, Bulacan, Cavite, Lucena City, Rizal, Laguna, Naga City, at Iloilo Province, habang nasa general community quarantine o GCQ with heightened restrictions naman ang 26 lugar at regular GCQ naman ang 38 lugar hanggang katapusan ng Oktubre.