ni Lolet Abania | June 27, 2021
Tinatapos na lamang ng Philippine National Police (PNP) ang mga dapat na nakapaloob hinggil sa kanilang rekomendasyon na pagsasagawa ng Psychiatric-Psychological Exam (PPE) sa lahat ng PNP personnel sa gitna ng mga kaso ng grave misconduct sa ilang pulis.
Sa isang briefing kamakalawa, binanggit ng PNP ang tungkol sa tinatawag na police abuse – ito ang kaso ng isang police sergeant na walang habas na namaril sa loob ng Manila Police District (MPD) headquarters – na lalong nagpaigting na magkaroon ng periodic psychiatric exam hindi lamang sa mga ordinaryong pulis kundi maging sa lahat ng may mga ranggo.
Sinabi naman ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na makakasama rin dito ang mga rekomendasyon ng Health Services sa pagbuo ng guidelines na isasagawa para sa regular na assessment ng emotional at mental health state ng mga pulis.
“This recent incident at MPD, along with the previous ones, highlights the need for us to closely look into the overall state of our men. Hindi nagtatapos sa kung paano nila ginagawa ang kanilang trabaho, kasama dito ang pagtingin sa kanilang physical, emotional at lalo na ang kanilang mental state,” ani Eleazar.
Matatandaang sinabi ni Eleazar na kinokonsidera niya na magkaroon ng PPE na gagawin tuwing tatlong taon bilang bahagi ng pagsisikap nilang mapabuti ang kalagayan at estado ng PNP personnel, lalo na ang mga nasa ground operations.
Samantala, tiniyak ni Eleazar sa publiko na nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon sa naganap na pamamaril ng isang pulis sa MPD headquarters nitong Biyernes.
“The investigation I ordered on the unfortunate incident goes beyond the shooting as this includes other aspects such as possible mental health issues of all our personnel,” sabi ni Eleazar.