top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 10, 2021



Hinimok ni PNP Chief, PGen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang lahat ng PNP personnel na hindi pa registered voter na magparehistro na matapos ang extention ng voter’s registration para sa May 2022 national and local elections.


“As Chief PNP, I am encouraging our personnel who have not yet registered to take advantage of this extension. I am ordering our units commanders to give your men the time to do so,” ani Eleazar.


Umapela rin ang PNP chief sa publiko na magparehistro na at huwag nang hintayin ang last-minute registration upang maiwasan ang mahabang pila at matagal na paghihintay.


“Samantalahin natin ang ibinigay na extension ng Comelec at huwag na naman nating hintayin na kung kelan patapos na ang buwan ng Oktubre ay saka lamang tayo magpupumilit na magpa-rehistro dahil mauuwi na naman ito sa init ng ulo at pagtatalo. Baguhin na natin ang nakagawiang last-minute registration,” pahayag niya.


Siniguro naman ni Eleazar na nakalatag na rin ang ipatutupad na security measures ng PNP para sa extention ng voters registration.

 
 

ni Lolet Abania | August 8, 2021



Dalawang oras umano ang inabot ng ilang motorista bago sila pinadaan sa mga checkpoint habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang National Capital Region (NCR).


Ayon sa isang motorista, pumila siya sa checkpoint sa boundary ng Caloocan at San Jose del Monte, Bulacan, kung saan lumagpas pa umano ng dalawang oras bago siya tuluyang pinadaan ng mga pulis nitong Sabado nang gabi.


Salaysay naman ng isa pa, “Hassle kasi may pasyente nga kaming dinala sa ospital. Nauna ‘yung ambulansiya, naipit kami... Galing po ako ng Cavite,” kung saan aniya, wala nang bakante sa mga ospital sa Metro Manila, kaya napilitan silang dalhin ang pasyente sa nasabing lugar.


Sa España Blvd. sa Maynila, binubusisi sa checkpoint ang mga dokumento ng bawat daraan para tiyakin umano ng mga awtoridad kung sila ay authorized person outside residence (APOR).


“Kapag po sila working APOR, hinahanapan ng Certificate of Employment. ‘Yung kanilang mga ID, kailangang ipakita para mapatunayan na working APOR. Kapag consumer APOR, kailangan, may quarantine pass,” paliwanag ni Police Lt. Ronald Calixto, team leader sa checkpoint. Iniutos naman ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar na sakaling ang pila sa mga checkpoint ay humaba, maaaring magpatupad na lang ng random check.


Gayundin, iisa-isahin na lamang ng mga pulis ang mga sasakyan kapag maigsi na umano ang pila nito sa checkpoint.


Ayon kay Eleazar, karaniwan na aniyang paglabag sa ECQ ang hindi at maling pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing. Kasama na rin dito ang hindi pagsunod sa curfew hours. “Itong tatlo, ito ang minimum public health standards natin ang nakikita natin (violation) pero most of them wina-warning-an lang naman,” sabi ni Eleazar. Babala naman ng PNP chief na kanilang papanagutin ang sinumang non-APOR driver na mang-aabuso. Aalamin nila sa mga employer nito kung tunay ang ipinakita nilang mga dokumento.


Nagbigay na rin ng direktiba si Eleazar sa Criminal Investigation and Detection Group (DILG) habang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan dahil sa posibleng pagdagsa naman ng mga nagpapabakuna kontra-COVID-19 sa mga vaccination sites.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2021



Umabot sa 1,848 ang nahuli sa paglabag sa ipinatutupad na curfew hours sa Metro Manila sa pagsasailalim sa rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar noong Sabado.


Ani Eleazar sa isang panayam, "Base sa ulat na na-receive natin, there was a total of 1,848 accosted na violator.


"Six hundred five ang binigyan ng warning. At para magmulta, mayroong 1,235. At merong walo pa na for community service.”


Hanggang sa Agosto 20 epektibo ang ECQ sa Metro Manila at ang curfew hours ay tuwing 8 PM hanggang 4 AM.


Saad pa ni Eleazar, "Malaking bagay ang curfew para malimitahan ang paglabas ng mga tao."


Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga authorized persons outside residence (APOR) na bibili ng essential goods na lumabas ng bahay sa oras na hindi aabot sa curfew.


Aniya pa, "Consumer APOR, dapat i-avail lang during the period na walang curfew."


Ang mga driver naman ng pampublikong transportasyon na nahuling lumalabag sa ipinatutupad na mga health protocols kabilang na ang “one seat apart” rule ay binigyan din ng mga ticket habang ang mga hindi APOR ay pinauwi.


Ang mga hindi naman nakasuot ng face shields sa mga pampublikong transportasyon ay pinababa ng sasakyan.


Saad pa ni Eleazar, "Hindi muna prayoridad ang pagkuha ng temperatura ng mga dumadaan sa mga checkpoint dahil ina-assume na natin na kapag APOR ka at ikaw ay lumabas, dapat maayos ang iyong pakiramdam.


"Posibleng makabagal lamang sa daloy ng trapiko ang paglalagay ng thermal scanner sa mga quarantine control points.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page