ni Jasmin Joy Evangelista | October 27, 2021
Nagpaalala si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga delivery at courier service companies na kilatisin nang mabuti ang mga iha-hire na delivery riders upang masigurong hindi magagamit ang kumpanya sa ilegal na transaksiyon o paghahatid ng mga kontrabando.
Ito ay matapos matiklo ng pulisya sa isang buy-bust operation ang isang delivery rider sa Barangay 84 Caloocan City. Kinilala ang suspek na si Arturo dela Cruz, 38-anyos. Nakumpiska sa kanya ang 500 grams na shabu na tinatayang umaabot sa halagang P3.4 M.
Inatasan na rin Eleazar ang PDEA na imbestigahan ang nasabing kaso para malaman ang operasyon ng suspek. Hinimok naman ng PNP Chief ang mga delivery at courier companies na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad sakaling may matunugan silang ganitong mga modus upang agad na maaksiyunan.