ni Jasmin Joy Evangelista | February 7, 2022
Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, nadagdagan pa ang mga lugar na isinailalim sa granular lockdown batay sa datos ng Philippine National Police nitong Lunes.
Mula 489 noong Sabado, umangat ito sa 590 nitong Linggo at ngayong Lunes ay 605 na ang naitalang bilang ng mga lugar na naka-granular lockdown.
Ang granular lockdown ay ang localized community lockdowns sa mga lugar kung saan hindi papayagang lumabas o pumasok ang mga residente sa loob ng 14 araw o higit pa.
Base sa tala nitong Linggo, 384 dito ay mula sa Cordillera, 130 sa Ilocos, 77 sa Cagayan, 8 sa Mimaropa, at 6 sa National Capital Region, ayon sa PNP.
Samantala nitong Linggo, kabilang din sa naka-granular lockdown ang 105 lugar na ini-report ng Ilocos Region Police Regional Office (PRO), 81 lugar batay sa report ng Ilocos Region Police Regional Office (PRO), 7 mula sa report ng PRO Mimaropa, at isa mula sa report ng PRO Zamboanga Peninsula.
Ayon pa sa PNP, may kabuuang 1,233 indibidwal ang apekto ng mga naturang lockdown.
Batay sa tala nitong Linggo, Feb. 6, ang bansa ay mayroong 126,227 active COVID-19 cases.