ni Grace Poe - @Poesible | December 14, 2020
Ang bilis ng panahon. Akalain mo, labing-anim na taon na pala mula noong iniwan tayo ni Fernando Poe, Jr. Labing-anim na taon na pala akong ulila sa ama. Taun-taon, nagsasama-sama ang pamilya at mga kaibigan sa misa sa kanyang puntod sa North Cemetery para sa pagtitipon, bagay na hindi natin maisasagawa ngayong taon dahil sa pandemya. Iba na rin, dahil hindi na rin natin kapiling si Father Larry Faraon, ang malapit na kaibigan ni FPJ na palaging nagmimisa sa okasyong ito, na sumakabilang-buhay na.
Para alalahahin ang anibersaryo ng kamamatayan ni Da King, maghahatid tayo ng ating munting handog sa ilang kababayan nating malapit sa kanyang puso sa Isla Puting Bato sa Tondo. Matatandaang, itinampok ni FPJ ang lugar na ito sa pelikula niya.
Hindi man tayo pisikal na magkakapiling ngayong araw, nagpapasalamat tayo sa lahat ng nakakaalala kay FPJ. Panatilihin nating buhay ang kanyang alaala sa pamamagitan ng pagpaparamdam ng ating malasakit sa kapwa lalo na sa panahong ito na maraming nangangailangan ng pagkalinga.
◘◘◘
Marami sa ating mga kababayan na nagbibiyahe sa tollways ang nagrereklamo dahil sa depektibo o hindi gumaganang sensors ng RFID. Bukod sa nawalang kita at abala sa pagpila para makabitan ng sticker, nagdudulot pa ng traffic ito kapag hindi gumana ang sensor kahit may sticker na. Ang ganitong pagsisikip sa daan at pahirap sa taumbayan ang naging basehan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor Rex Gatchalian para suspendihin ang business permit ng NLEX.
Noong isang linggo, naghain tayo ng resolusyon sa Senado para ipatawag ang Department of Transportation tungkol sa usapin ng implementasyon nito ng cashless transactions sa ating expressways. Ang problema, mismong operators ng tollways natin, mukhang hindi handa, kaya sa halip na bumilis ay lalong tumagal ang biyahe ng mga kababayan natin lalo na sa NLEX.
Pangunahing inirereklamo ng mga dumaraan sa NLEX ang depektibong RFID sensors. Nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko ang ilang ulit na atras-abante at paglipat pa ng lane para mabasa ng sensor ang sticker. Sumunod rito ang limitadong opsyon para sa pagloload dahil down ang system.
Para sa mga kababayan nating nakapagbiyahe na sa ibang bansa at naranasang dumaan sa expressways dito, napakalaki ng pagkakaiba ng sistema ng RFID. Tanging sa Pilipinas lang yata kailangang magbagal nang husto papalapit sa istasyon ng RFID sensor. Sa mauunlad na bansa, dire-diretso lang ang sasakyan. Dito, kung hindi makuha ng sensor ang frequency ng sticker, ni hindi aangat ang barrier.
Bilang pangunahing tagapangasiwa ng transportasyon, nais nating alamin sa DOTr kung paano nila balak ayusin ang gulong ito. Hindi dapat nagbabangga ang pamahalaang lokal at ang toll operator kung naisaayos agad ang suliraning ito. Sa pagdinig na isasagawa sa Committee on Public Services na ating pinamumunuan, hihingin natin mula sa regulador ang kanilang plano para ayusin ang gusot sa cashless transactions sa ating expressways.