ni Grace Poe - @Poesible | January 25, 2021
Naghihintay pa rin tayo ng bakuna sa ating bansa. Bagama’t umuusad na ang programa ng baksinasyon sa mauunlad na bayan, tayo ay nag-aabang kung kailan makararating sa Pilipinas ang mga ito. May order na ang ating pamahalaan sa iba’t ibang kumpanya pero hindi ito agad-agad maibibigay dahil sa taas ng demand para sa COVID-19 vaccine.
Dahil maglalatag ang pamahalaan ng isang programa ng pagbabakuna, naghain tayo ng isang panukalang-batas para sa pagkakaroon ng standard vaccine certificate na ibibigay sa mamamayan ng libre bilang katunayan ng mga bakunang mayroon na sila. Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1994 o ang “Vaccine Passport Act,” magbibigay ang Department of Health ng sertipiko na maaaring gamitin ng mga mag-aaral, OFWs, at iba pang mamamayan na magpapatunay na nakatanggap na sila ng kaukulang bakuna.
Bakit nga ba kailangan pa ang vaccine passport? Mahalaga ito dahil isa itong opisyal na dokumento mula sa pamahalaan na may timbang kahit sa ibang lugar. Kung hanapan ang katunayan ang mga aplikante para sa trabaho sa ibang bansa, puwedeng-puwede itong ipakita. Inaasahan nating sa hinaharap, dahil na rin sa nakitang epekto ng COVID-19, magiging bentahe ng ating mga kababayan na nagpabakuna na may panlaban sila sa nasabing virus.
Hindi lamang COVID-19 vaccine ang lalamanin ng nasabing dokumento. Isasama rito ang lahat ng mga bakunang natanggap na ng tao. Sa kanilang parte, gagawa at magpapanatili naman ang DOH ng database ng mga taong nakatanggap ng bawat bakuna.
Sa ating panukalang batas, ang pag-iisyu at maging ang pagpapalit ng nawalang vaccine passport ay libre. Sa panahon ng pandemya, bawat piso ay mahalaga kaya hindi dapat idagdag pa ito sa gastos ng ating mga kababayan.
Sa kasalukuyan, ang ilang bansa tulad ng Greece, Denmark, at Israel ay nagsisimula nang sa implementasyon ng vaccine passports. Ito ang isang hakbang nila para tulungan ang kanilang ekonomiyang makabangon mula sa pagkakasadlak dahil sa pandemya.
Mahalaga ang buhay at kaligtasan, pero kailangang magtrabaho ng nakararami sa atin para mabuhay. Ang pagkakaroon ng vaccine passports ay isang hakbang para manumbalik ang tiwala sa kaligtasan ng pagtatrabaho sa ating mga tanggapan at sa mga transaksiyon sa ating mga pamilihan. Isa itong paglalaan para munting sumigla ang ating ekonomiya.