ni Grace Poe - @Poesible | March 8, 2021
Ramdam na ba ninyo ang alinsangan ng tag-araw? Tagaktak na naman ang pawis lalo na ‘pag tanghali at hapon. Mainit na ang panahon, sana ay hindi naman sumasabay ang ulo ninyo. Palamig din tayo kahit paano, kahit isang basong samalamig o kung may extra budget, malinamnam na halo-halo.
Kung dati-rati’y sabik na nagpaplano ng bakasyon ang mga tao sa ganitong panahon, ngayon ay marami ang nangangamba para sa kanilang kaligtasan. Lumalabas sa mga datos ang biglang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa ating bansa lalo na sa Metro Manila. Ang mga doktor, muling nananawagan ng ibayong pag-iingat dahil napupuno na naman ang Intensive Care Units (ICUs) at COVID wards ng mga ospital. Halimbawa, sa St. Luke’s Hospitals sa Quezon City at sa Bonifacio Global City, dumoble ang bilang ng mga pasyenteng nagpositibo na nangangailangang ma-confine sa ospital. Samantala, dahil sa dami ng nangangailangan ng atensiyong-medikal para sa COVID-19, binuksan ng Philippine General Hospital ang isang wing nito para gawing COVID ward.
Nagsimula na ang pagbabakuna sa prayoridad na sektor at kung patuloy na darating ang inaasahan nating supply ng bakuna mula sa ibang bansa, marami ang matuturukan ng kinakailangang panlaban sa coronavirus. Gayunman, hindi ito dahilan para hindi na mag-ingat ang mamamayan. Kailangan pa rin nating tuparin ang health protocols na itinatakda para sa ating kaligtasan.
Hindi ito ang panahon para magtigas ng ulo. Ang pagsunod natin sa mga gabay at panuntunan sa COVID-19 ay para sa kaligtasan natin at ng mga taong nakapaligid sa atin.
***
Magandang balita para sa mga mag-aaral at sa kanilang mga magulang na nahihirapan sa online schooling dahil sa kawalan ng gadget na magagamit. Naglatag ng loan program ang Landbank of the Philippines para sa mga mag-aaral na kailangan ng gadget sa pag-aaral.
Ang nasabing loan program ng Landbank ay malaking tulong sa mga pamilyang ramdam ang bigat ng gastos dahil kailangang bumili ng tablet, computer, o cellphone para sa online classes ng mga anak. Isipin mo nga naman, dati ay puwedeng magsalo lang sa computer o tablet ang magkakapatid na estudyante. Dahil sabay-sabay ang kanilang klase, kailangang tig-iisa sila ng gamit. Sa programang ito, maaaring humiram ang mga magulang ng halagang hindi lalagpas sa P50,000.
Kasabay ng pagkakaroon ng gadget ng mga mag-aaral para sa online learning, dapat ring mag-level up ang internet service providers. Aanhin ang gamit kung napakabagal naman ng internet. Sa dami ng nakaasa sa internet para sa edukasyon, dapat makapaghatid ang mga kumpanyang ginawaran ng ating pamahalaan ng prangkisa ng serbisyong makapagtataguyod ng matagumpay na online learning sa ating bansa.