ni Grace Poe - @Poesible | March 29, 2021
Palapit nang palapit sa atin ang mga tinatamaan ng COVID-19. Hindi na mga estrangherong nakikita lang natin sa telebisyon ang nagkakasakit kundi mismong kapamilya, kaibigan, kakilala, o katrabaho. Hindi na kuwentong kutsero ang paghihintay sa labas ng ospital para mai-admit kapag hindi makahinga. Puno na ang marami sa mga ospital, lalo na sa Kamaynilaan; wala nang paglagyan sa COVID-19 wards.
Kinahaharap natin ang malaking krisis pangkalusugan. Nananawagan ang healthcare workers: bumibigay na sila sa pagod. Marami sa kanila, nagkakasakit na rin. Bagama’t nagsimula na ang pagbabakuna sa ating medical frontliners, hindi pa ito nakukumpleto hanggang sa ngayon.
May quarantine fatigue na ang ating mga kababayan. Inip na ang mga tao; aburido na sa loob ng kanilang bahay. Malaki ang tama nito sa kalusugang pang-isipan ng mga tao.
Pero, mga bes, hindi ito ang panahon para magtigas ng ulo at magsawalang-bahala ng health protocols. Nakikita natin: nagkakasakit at namamatay ang mga tao. Habang naghihintay tayo ng bakuna, gawin natin ang mga magagawa natin para labanan ang coronavirus: lumabas lamang kung kinakailangan, panatilihin ang kalinisan, patatagin ang immune system, obserbahan ang social distancing, isuot ang facemask at face shield sa tamang paraan, at kung makaranas ng sintomas ng sakit, maging responsable para iwasang manghawa ng iba.
Ngayong Mahal na Araw, maaari pa ring makiisa sa pagdiriwang ng Simbahang-Katolika pamamagitan ng panalangin at pagdalo sa online masses. Puwede tayong makibahagi sa misa mismo ng Santo Papa mula sa Vatican City dahil ibino-broadcast ito sa internet. Iwasan muna ang paglabas ng bahay. May online Visita Iglesia at Stations of the Cross. Magkasya muna tayo rito sa ngayon. Ang pananalig ay nasa puso at rubdob ng panalangin.
Nasa kamay natin ang proteksiyon natin at ng ating kapwa. Mag-ingat tayo palagi sa panahong ito.
Isang mapayapa at mapagpalang Mahal na Araw nawa ang sumaating lahat. Panalangin natin ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng pandemyang ito.