ni Grace Poe - @Poesible | October 19, 2021
Hello, mga bes! Kumusta kayo at ang inyong mga mahal sa buhay ngayong mga araw na ito? Sana’y nasa mabuting kalagayan kayong lahat at ligtas sa karamdaman at problema.
Nakakaloka na isyu ngayon ang paggamit ng disaster alert system para sa eleksiyon.
Marami ang nababahala na nakatanggap sila ng mensahe sa kanilang cellphones na tulad ng disaster alerts na pinadadala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) alinsunod sa inakda nating batas na Republic Act No. 10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Act. ‘Yun nga lang, sa halip na disaster alert, tungkol sa kandidato ang pumasok na mensahe.
Ipinasa natin ang Free Mobile Disaster Alerts Act para protektahan ang publiko sa pamamagitan ng maagang babala sa mga sakuna. Pagkilala ito na ang maagap ng sistema ng pag-aalerto ay maaaring makapagligtas ng buhay. Krusyal ito sa paghahanda para sa mga bagyo, pagbaha, at iba pang sakuna.
Dati, ang komento ng ating mga kababayan, nagugulat sila sa disaster alerts! Pero ngayon, iba ang ikinagulat nila. Puwede pala silang makatanggap ng mga mensahe kahit pa hindi tungkol sa sakuna.
Inaasahan natin ang mabilis na pagbusisi at imbestigasyon ng National Telecommunication Commission (NTC) tungkol sa insidente ng paggamit para sa pulitika ng disaster alerts. Mahalaga itong tutukan ngayon pa lang dahil baka maabuso ngayong eleksiyon.
Ngayon, nagkaalaman na ibinebenta lang pala sa online shopping networks ang text blast machines na nakapagpapadala ng mga mensahe gamit ang sistema ng disaster alert. Pambihira, ganun lang pala kadaling magkalat ng text messages sa isang lugar kahit walang mobile numbers ng makatatanggap. Delikado ito dahil puwedeng-puwedeng maabuso. Puwedeng panggalingan ng fake news at paninira na di naman mapapanagutan ng nagpadala.
Pero ang mas mahalagang isyu sa atin, ang tiwala ng ating mga kababayan sa integridad ng text alerts. Kung mawawala ang kumpiyansa nila sa disaster alerts, magagapi ang intensiyon ng ating batas na magkaroon ng epektibong komunikasyon para makapagbabala sa sakuna.
Tututukan natin ang aksiyon ng NTC sa usaping ito para maiwasan ang pag-abuso sa sistema ng komunikasyon.