ni Grace Poe - @Poesible | October 5, 2020
Hello, mga bes! Kumusta kayo at ang inyong pamilya? Sana ay malusog, walang sakit, at nasa mabuting kalagayan ang lahat.
Oktubre na, halos kalahating taon nang naka-quarantine ang ating bansa dahil sa COVID-19. Isa ang ating bansa sa may pinakamahabang lockdown sa buong mundo. Sa kabila nito, malayo pa tayo sa sinasabing “flattening the curve”. Nananatiling mataas ang bilang ng ating COVID-19 cases at sa kabila nito, napipilitan tayong lumabas pa rin dahil kailangang mabuhay ng mga tao. Nakikita natin ngayon ang malakas na hagupit ng pandemya sa ating ekonomiya: maraming negosyo ang nagsasara, maraming kabuhayan ang bumabagsak at kasabay ng mga ito, maraming manggagawa ang nawawalan ng trabaho.
Dahil rito, mahalagang mapangalagaan kung anumang trabaho ang mayroon pa sa kasalukuyan. Lahat ng suportang puwedeng ibigay natin sa industriya at negosyong nagbibigay ng empleyo sa mga tao, gawin sa abot ng makakaya. Kung magsasara pa ang mga kumpanyang nakatayo pa, mas marami ang masasadlak sa kahirapan.
Sa budget deliberations ngayong taon, pinaalalahanan natin ang ecozones sa bansa na tiyaking hindi na mababawasan pa ang mga trabaho. Inatasan natin ang pamunuan ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at Zamboanga City Special Economic Zone Authority (ZCEZA) na alamin kung bakit umaalis ang locators sa nasabing ecozones.
Nabahala tayo dahil sa ulat ng CEZA na nangalahati ang bilang ng trabaho sa CEZA. Mula sa 2,880 noong 2018, 1,555 na lamang ang mayroon sa unang quarter ng 2020. Samantala, ang dating 1,467 ng ZCEZA, 998 na trabaho na lamang ngayon.
Nabanggit na isa sa mga nagsarang negosyo ay ang malaking wig manufacturing company. Nang tinanong natin kung bakit ito umalis sa ecozone, hindi tayo mabigyan ng tiyak na sagot. Lalo na sa panahong ito, kailangang alamin natin kung ano ang naging problema para masolusyonan ito at di mag-alisan ang mga namumuhunan dito. Sa ganitong paraan, maisasalba natin ang trabaho ng mga empleyadong nakaasa sa mga negosyong ito.
Kung ang dahilan ng pag-alis ng mga negosyo sa ecozone ay buwis, puwedeng ilapit ang isyung ito sa Department of Finance o sa National Economic Development Authority (NEDA) para magawaan ng paraan. Koordinasyon ito sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan na kayang-kayang gawin ng mga tagapamahala ng ating ecozones.
Naniniwala tayong sa panahong ito, kailangan nating maging mas proaktibo para mailigtas ang kabuhayan ng ating mga kababayan. Iwasan nating madagdagan pa ang mawawalan ng trabaho. Para hindi umasa ang mga tao sa ayuda ng pamahalaan, tiyakin nating may kabuhayan silang masasandigan.