ni Grace Poe - @Poesible | November 02, 2020
Hello, mga bes! Kumusta kayo at ang inyong mga mahal sa buhay ngayong araw? Sana ay ligtas ang lahat at nasa mabuting kalagayan.
Sinusubok na naman ang tatag ng ating bansa ng isa pang kalamidad, ang Bagyong Rolly. Sinasabing ito ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo na pumasok ngayong taon, at dito pa sa atin tumama. Sa ilang lugar, nagtaas ng Signal No. 5 kahapon, para mabigyang-babala ang mga tao sa lakas ng paparating na bagyo. Signal No. 3 nga lang, nayayanig tayo, Signal No. 5 pa!
Malaking hamon sa maraming pamahalaang lokal na apektado ng bagyo ang evacuation centers dahil karamihan sa mga ito ay ginamit nang isolation sites para sa COVID-19. Ang mga nasa baybayin na delikado sa storm surge, pinalilikas, subalit hindi malinaw kung saan naman pupunta na ligtas. Napakahirap ipatupad ang social distancing protocols sa maliit na espasyong kailangang pagkasyahan ng mga nagsilikas. Ang masakit pa rito, maraming pamahalaang lokal ang nakagamit na ng kanilang calamity fund para sa COVID-19 relief ng kanilang nasasakupan. Pahirapan ngayon ang paghuhugot ng pondo para sa pangangailangan ng mga apektado ng Bagyong Rolly.
Ito ang dahilan kung bakit natin isinusulong ang pagtatatag ng dedikadong kagawaran para lamang sa disaster risk reduction management sa ating bansa. Sa ating panukalang-batas na Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act, ang pagtugon sa mga panganib na kakaharapin ng ating bansa ay pagpaplanuhan at paghahandaan bago pa man may dumating sa atin. Ang nasabing departamento ay bubuuin ng Bureau of Disaster Resilience, Bureau of Disaster Preparation, at Bureau of Knowledge Management and Dissemination.
Kamakailan, nagpunta ang ating mga kasama sa Panday Bayanihan sa Lopez, Quezon para maghatid ng kaunting tulong sa mga magsasaka nating apektado ng Bagyong Pepito. Nalubog ang mga palay na aanihin na lang sana ng ating mga kababayan. Pera na, naging bato pa. Sa pamamagitan ng kaunting ayudang dinala ng ating volunteers, sana’y nakatulong tayo sa pagtatawid sa kanila patungo sa pagbangon. Pagsisikapan nating magsagawa ng iba pang relief operations para sa mga apektado naman ng Bagyong Rolly.
Habang hinihintay ng ating mga kababayan ang tulong mula sa pamahalaan, napakalaking bagay ang pagbabayanihan sa panahon ng pangangailangan. Kung sino ang may maibibigay, sana ay tumulong sa apektado ng Bagyong Rolly, sa ating sariling paraan. Ang bawat gawa ng kabutihan para sa kapwa nating sinalanta ng bagyo ay malaking bagay sa pagbubuo ng kanilang buhay. Tumulong tayo nang maluwag sa ating puso.