ni Grace Poe - @Poesible | November 23, 2020
Maaraw na sa maraming bahagi ng bansa, subalit marami sa ating mga kababayan ang patuloy pa ring dumaranas ng epekto ng nagdaang mga bagyo sa ating bansa. Ang mga binaha, naglilinis pa rin ng kanilang mga bahay na pinasok ng tubig na may putik. Wala pa ring kuryente sa ilang bayan. May mga kababayan tayong nasa evacuation centers pa rin dahil nasira talaga ang kanilang tahanan.
Nitong nakaraang mga linggo, nagsama-sama ang ating volunteers sa Panday Bayanihan para mag-repack at magpahatid ng ating tulong sa mga kababayan natin sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Cagayan Valley, Marikina, at Quezon. Sa pamamagitan ng relief goods, umaasa tayong naramdaman ng ating mga kababayan ang malasakit sa kanila. Ganito rin ang ginagawa ng napakarami nating kababayan na nagtulung-tulong magsagawa ng donation drives at relief operations para sa mga sinalanta ng bagyo.
Bagama’t napakagandang tingnan ang pagbabayanihan ng ating mga kababayan, hindi natin dapat iasa sa pribadong sektor ang pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng kalamidad. Kailangan nating agapan ang trahedya bago pa ito mangyari. Hindi uubrang reaksiyon lamang tayo: mahalagang maging maagap. Ang paghahanda sa bawat sakuna ay kailangang isagawa sa sistematikong paraan para mabawasan, kung hindi man maiwasan, ang pinsala ng kalamidad.
Ang ating ipinapanukalang Department of Disaster Resilience sa ilalim ng Senate Bill No. 124 ay inihain natin dahil ang mga kalamidad ay realidad ng ating bansa. Hindi tayo nawawalan ng bagyo kada taon. Nakararanas tayo ng mga lindol, at hindi natin alam kung kailan darating ang kinatatakutan nating “The Big One.” Kailangan natin ng kagawaran na ang trabaho lamang ay magplano, maghanda, at magsaayos ng mga polisiya at plano para sa mitigasyon at pagtugon sa mga kalamidad.
Naniniwala tayo sa “rightsizing” sa pamahalaan. Puwedeng magkaroon ng reorganisasyon para sa mga ahensiyang nakumpleto na ang dapat nilang gawin sa ilalim ng batas para mabigyan ng puwang ang mga bagong kagawaran base sa pangangailangan ng ating bansa.
Bigyan natin ng prayoridad ang komprehensibong paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad para hindi paulit-ulit ang ating problema.