ni Grace Poe - @Poesible | July 12, 2021
Masaya tayo sa atas ng Korte Suprema sa Administrative Matter No. 21-06-08-SC na kinakailangan na ang pagsusuot ng body cameras ng maghahain at magpapatupad ng search at arrest warrants. Isang positibong hakbang ito sa pagsasaayos ng ating criminal justice system.
Kung walang body camera o alternate recording device, at hindi naipagbigay-alam at inihingi sa korte ng pahintulot na ituloy ang operasyon, hindi tatanggapin ang ebidensiyang makukuha para sa kaso. Makakasuhan din ng contempt of court o paglapastangan sa korte ang pulis na hindi magsusuot ng body camera sa operasyon.
Kasama tayo sa mga nanawagan para rito noong kasagsagan ng pag-aresto sa mga di-umano’y drug suspects na napatay dahil “nanlaban.” Naniniwala tayong mahalaga ang body cameras para sa integridad ng pag-aresto kaugnay ng ating mga prosesong legal. Proteksiyon ito para sa pulis na nagpapatupad ng warrant para hindi sila maakusahan ng pag-abuso sa kanilang awtoridad. Pabor ito, lalo na sa mamamayang paghahainan ng warrant dahil maiiwasan ang mga insidente na pagtatanim ng ebidensiya laban sa kanila. Pabor sa lahat ng panig ang dokumentasyong ito.
Sa atas ng Korte Suprema, ipaaalam agad ng mga pulis sa paghahainan ng warrant ang kanilang pakay at na naka-record sila. Ang audio at video recording functions ng body camera ay kailangang i-on pagdating sa lugar na pagsasagawaan ng operasyon at dapat manatiling gumagana hanggang matapos doon. Kung pag-aresto ang gagawin, hanggang makarating sa presinto, naka-on ang body camera. Kung search warrant naman, naka-record ang pagpasok at ang paghahalughog para matiyak na sang-ayon sa batas ang ginagawang operasyon. Papatayin lamang ang body camera kapag nasa istasyon na ng pulis. Pagkatapos, ang recordings ay ise-save sa external storage device na ilalagay naman sa selyadong lalagyan at ide-deposito sa korteng nag-issue ng warrant.
Gayunman, sinabi rin ng Korte Suprema na hindi mangangahulugang ilegal ang operasyon kung walang body camera ang pulis. May pagkakataon silang patunayan ang mga pangyayari at sitwasyon na dahilan kung bakit wala silang body camera.
Ang pagkakaroon ng body camera ay malaking bagay para matiyak ang regularidad ng mga operasyon sa paghahain at pagpapatupad ng mga warrant. Ito ang inaasahan nating magwawakas sa panahon ng palitan ng akusasyon sa pagitan ng mga pulis at pamilya ng mga akusadong napatay sa operasyon. Ito na sana ang magwawakas sa mga frame-up at tanim-ebidensiya.