ni Grace Poe - @Poesible | August 02, 2021
Matapos na magdiwang ng ating bansa sa pagkakapanalo ni Hidilyn Diaz ng ating unang ginto sa Olympics, narito tayo at nahaharap sa lockdown sa National Capital Region (NCR) para maiwasan ang delubyo ng muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Iniatas ng Pangulo na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, at ang Iloilo City, buong probinsiya ng Iloilo, Cagayan de Oro, at Gingoog City mula Agosto 1 hanggang 7.
Samantala, Modified ECQ (MECQ) naman Ilocos Norte, Bataan, Lapu-Lapu City, at Mandaue City mula Agosto 1 hanggang 15. General Community Quarantine with Heightened Restrictions naman ang 20 iba pang lugar.
Sa totoo lang, litung-lito na ang mga kababayan natin sa iba’t ibang klasipikasyon ng kuwarentina sa bansa. Sabi nga ng isang nakausap natin, parang nililito na lang daw tayo sa kung anu-anong letra ng alpabeto.
Sa laki ng panganib na dala ng Delta variant na nakita nating nagpahirap nang husto sa India at Indonesia, nagpasya ang pamahalaan na mag-lockdown para iwasan ang pagkalat pa ng COVID-19. Ito ang hakbang na inirekomenda para iwasang bumagsak ang ating healthcare system sakaling magkapunuan na naman ang mga ospital.
Gayunman, kailangang bago pa mag-lockdown, maibigay na ang ayuda para sa ating mamamayan sa mga lugar na isinailalim sa ECQ. Hindi natin palalabasin ang mga kababayan natin, maliban na lang sa mga Authorized Person Outside of Residence (APOR); paano naman sila kakain at mabubuhay? Kailangan ng mabilis at maagap na pamimigay sa ating mga kababayan ng kanilang pantawid-buhay sa dalawang linggong hindi sila makahahanap ng kanilang ikabubuhay.
Walang nasisiyahan sa lockdown pero ngayong naririyan na, gawin natin ang ating parte para hindi na ito magkaroon ng ekstensiyon. Manatili sa loob ng ating mga tahanan kung hindi naman kailangang lumabas. Huwag munang magpatuloy ng bisita sa ating mga bahay, at huwag muna ring mandayo ng kumustahan. Alalahanin natin, mas mabilis kumalat ang variant na ito. Ang masaklap, kahit mga bata, apektado nito.
Hindi lang COVID-19 ang kalaban natin ngayong pandemya kundi gutom. Bigyan natin ng maagap at sagap na ayuda ang ating mga kababayan para hindi na sila makipagsapalaran sa labas.