ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | August 16, 2024
Lalo pang tiningala ng buong daigdig ang dalagitang si Rianne Mikhaella Malixi matapos sumibad ang alas ng Pilipinas sa panglimang puwesto ng Women's World Amateur Golf Ranking base sa pinakahuling talaan na ipinalabas noong Miyerkules.
Umangat ng limang baytang ang 17-taong-gulang na bituin ng bansa mula sa pag-okupa sa pang-10 puwesto. Dalawa lang ang kinatawan ng Asya sa Top 10. Bukod kay Malixi, pumapangatlo naman si South Korean Minsol Kim.
Maliban sa dalawang lady parbusters mula sa Asya, pinutakte ng mga amateur golfers ng Estados Unidos at Europe ang talaan. Nasa natatanging hanay sina Lottie Woad (1st, England), Julia Lopez Ramirez (2nd, Spain), Zoe Campos (4th, USA), Jasmine Koo (6th, USA), Catherine Park (7th, USA), Adela Cernousek (8th, France), Andrea Revuelta Goicoechea (9th, Spain) at Rachel Kuehn (10th, USA).
Matatandaang kumislap nang husto ang pangalan ni Malixi dahil sa pangingibabaw sa katatapos na U.S. Women's Amateur Tournament (Tulsa, Oklahoma) nitong Agosto at sa U.S. Girls Championships (California) noong Hulyo. Hinirang din siyang reyna sa Women's Australian Masters of the Amateurs noong Enero.
Sumegunda rin siya sa dalawang iba pang mga paligsahan bukod pa sa pagkuha ng pang-apat na posisyon sa European Ladies Amateur Championships sa Finland. Nakatakda siyang sumabak ngayong buwan sa Korean Ladies Professional Golf Association.