ni Lolet Abania | December 15, 2021
Nasa tinatayang 150 indibidwal ang na-trap sa bubong ng World Trade Centre ng Hong Kong ngayong Miyerkules, matapos sumiklab ang sunog sa gusali sa mataong lugar ng Causeway Bay commercial at shopping district, ayon sa mga awtoridad.
Sa ulat ng pulisya sa Reuters, 13 katao ang agad na dinala sa ospital, kung saan isa sa kanila ay semi-conscious o bahagyang nawalan ng malay.
Ayon sa city authorities, gamit ng mga bumbero habang inaapula ang apoy ang dalawang high-powered hose, gayundin ng mga hagdan at breathing apparatus upang i-rescue ang mga nata-trap sa sunog.
Agad naman ang mga shoppers at office workers na lumabas ng gusali habang unti-unting napupuno ng matinding usok dito.
Pinahinto na rin ng pulisya ang trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa paligid ng 39-floor World Trade Centre, kung saan maraming mga restaurants, shops at mga opisina.
Ayon sa broadcaster RTHK na batay sa pulisya, nasa 100 katao naman ang pinalikas mula sa isang restaurant patungo sa itaas ng 39th floor nang sumiklab ang sunog habang napupuno ng usok ang dining area.
Batay sa media, ang sunog ay nagsimula sa isang utility room sa lower level ng shopping mall bandang tanghali, bago kumalat sa bamboo scaffolding na nakapalibot sa block.
Hindi naman malinaw ang naging dahilan ng sunog. Patuloy na ring inaalam ng mga awtoridad ang pinagmula ng apoy.