ni Mary Gutierrez Almirañez | March 4, 2021
Patay ang mahigit 40 katao sa isinagawang magkakahiwalay na kilos protesta sa Myanmar kahapon, Marso 3. Batay sa ulat, walo ang namatay noong umaga at 7 ang nadagdag kinahapunan sa Yangon City.
Habang sa bayan ng Monywa ay 6 ang pinatay at ang iba ay natagpuan ang bangkay sa mga bayan ng Mandalay City, Hpakant, at Myingyan.
Kabilang sa mga namatay ang 3 bata at isang 14-anyos na lalaking napadaan lamang umano sa convoy ng military truck.
Ayon kay United Nations Special Envoy Christine Schraner Burgener, “Today it was the bloodiest day since the coup happened on the 1st of February. We had today — only today — 38 people died. We have now more than over 50 people died since the coup started, and many are wounded.”
Naganap ang pinakamadugong protesta matapos manawagan ang Association of South East Asian Nation (ASEAN) upang palayain ang lider ng Myanmar na si Suu Kyi at ibalik ang demokrasya sa bansa.
Nagpahayag na rin ng pakikidalamhati si Pope Francis sa kanyang Twitter post, “Sad news of bloody clashes and loss of life… I appeal to the authorities involved that dialogue may prevail over repression.”
Iginiit naman ng European Union ang naging paglabag ng mga militar sa international law. Anila, “There must be accountability and a return to democracy in Myanmar.”