ni Gerard Peter - @Sports | November 29, 2020
Hindi rin nakaiwas sa hagupit ng novel coronavirus disease (Covid-19) si dating 3-time UAAP champion mula Ateneo de Manila at kasalukuyang Japan B-League player Thirdy Ravena matapos magpositibo nang makaranas ng ilang sintomas ng mapaminsalang sakit.
Inihayag ng koponan nitong San-En Neo Phoenix sa social media account na dinapuan ang 23-anyos 3-time Finals MVP ng Covid-19 kasunod makaranas ng sore throat, panghihina at temperaturang umabot sa 38.2 degrees. Kinumpirma sa test nito mula sa isang medical institution sa Toyohashi ang pagkakaroon ng naturang karamdaman. Habang patuloy na nagpapagaling sa kanyang apartment.
“On the morning of November 26th (Thursday), he reported that he was in poor physical condition, and when the temperature was measured, a fever of 38.2°C was confirmed,” ayon sa statement ng San-En. “He reported to the Toyohashi City Health Center and at a designated medical institution under the direction of the Health Center.”
Pinawi naman ng shooting guard, na nakababatang kapatid ni NLEX road warrior point gurad Kiefer Ravena, ang pag-aalala ng mga malapit sa kanya, gayundin ang mga tagasubaybay at tagahanga nito na nasa maayos na kondisyon na ito at patuloy na nagpapagaling at nagpapalakas sa kanyang apartment habang sumusunod sa health at safety protocols.
“All good over here. Appreciate all the love and concern over the past 24 hours. I feel well already but have to follow quarantine protocols indefinitely,” pahayag ni Ravena sa kanyang twitter account.
Patuloy itong nagpa-alala sa lahat na huwag balewalain ang lupit ng naturang sakit at kinakailangang mag-ingat dahil nasa paligid lamang ang virus. “Just a reminder that the virus is still out there so let’s not take it for granted. Stay safe everyone! Much love,” ika nito.
Kasalukuyang kumakamada si Ravena sa San-En ng 12.0 points sa 36% shooting, kabilang ang 4.8 rebounds at 1.4 assists sa kabuuang 23.7 minuto ng paglalaro sapol ng unang beses itong maglaro sa koponan noong buwan ng Nobyembre. Gayunman, nahihirapan ang kanyang koponan na makaangat sa team standings sa kartadang 2-13 sa dulo ng B-League 2020-21 season.