ni Gerard Peter - @Sports | December 15, 2020
Sumungkit ng 2 gold medal sa nakalipas na 2020 Santa’s Cup si 2019 Southeast Asian Games Rhythmic gymnasts gold medalists Daniela Reggie Dela Pisa noong Disyembre 5 sa pagbabalik aksyon sa Budapest, Hungary.
Nakamit ng 17-anyos na grade 10 student mula Barcelona Academy ang ginto sa paboritong Hoops at Clubs event na kanyang napagwagian sa nakalipas na 30th edisyon ng SEA Games sa Pilipinas, kung saan nakuha nito ang gold medal sa Hoops at dalawang bronze medal sa Ball at Clubs sa Rhythmic event noong 2019.
Nagbigay din ng karangalan si national team member Brenna Labadan ng 1 gold at 2 silver medals sa parehong torneo. Nakamit ng 14-anyos mula Butuan City ang kampeonato sa Balls event at runner-up finishes mula sa ribbon at all-around event.
Ito ang kauna-unahang pagsalang sa labas ng bansa ng Cebuana teen wonder matapos maantala ang ilang mga kompetisyon dahil sa pananalasa ng novel coronavirus disease (Covid-19) pandemic sa buong mundo.
“I'm really grateful for God, my family and friends, to my supporters, coaches and of course to myself. We all had a really difficult time because of the situation right now but still being grateful for all the blessings,” pahayag ng ovarian cancer survivor sa panayam ng Bulgar sa online interview.
Makailang ulit na ring sumabak ang dalawang Pinay gymnasts sa ibang bansa, higit na sa Hungary, kung saan ginagabayan sila ni 38-time Hungarian rhythmic champion at Olympian Dora Vass. Nagawa na ring lumahok ng dalawang teen wonders sa naturang bansa nang kunin ang mga medalya sa 2019 Magic Cup Rhythmic Gymnastics meet noong isang taon, gayundin ang ilang torneo sa Europa.
Kahit pa man marami ng napanalunang medalya sa titulo sa loob at labas ng bansa, kabilang ang mga kampeonato sa Pinas na Batang Pinoy, Palarong Pambansa at Philippine National Games (PNG), aminado ang multi-titled gymnasts na kailangan pa nitong pagbutihan ang pagsasanay upang hasain pa ang kanyang kasanayan, gayundin umano ang kumpiyansya niya sa pagsasagawa ng kanyang mga routines.