ni Gerard Peter - @Sports | January 17, 2021
Walang magaganap na title defense para kay Joseph “Jojo” Diaz sa International Boxing Federation (IBF) super-featherweight matapos magpositibo sa coronavirus disease (Covid-19) ang makakalaban nitong si Shavkat Rakhimov ng Tajikistan.
Ang 26-anyos na mandatory challenger na si Rakhimov (15-0, 12KOs) ay napuwersang matanggal sa world title fight laban kay Diaz (31-1, 15KOs) sa Pebrero 13 sa The Avalon sa Hollywood, California sa Estados Unidos dahil sa sakit.
Magsisilbi sanang main event bout ang tapatan ng American at Tajikistani boxer sa DAZN doubleheader kung saan co-feature ang bakbakan nina Patrick Teixeira (31-1, 22KOs) ng Brazil na itataya ang World Boxing Organization (WBO) junior middleweight championship kay Brian “Ray Sugar” Castano (16-0-1, 12KOs) ng Argentina.
Hindi pa malinaw kung mapapalitan ng bagong kalaban si Diaz, na magsisilbi sanang unang pagdepensa sa korona nito o magiging main event card na ang 12-round fight ng dalawang South American fighters.
Muling mabibigyan ng pagkakataon si Rakhimov na makakuha ng title shot sa oras na makabawi na ito sa delikadong karamdaman at makapagpatuloy ng pagsasanay ng mabuti. Masigasig na nagsasanay ang Ekaterinburg, Russia-residence sa ilalim ng batikan at legendary Hall of Fame trainer na si Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California.
Ang kasalukuyang IBO 130-pounds titlist na si Rakhimov ay nakuha ang pagiging No.1 contender nang pabagsakin sa 8th round si Azinga “Golden Boy” Fuzile (14-1, 8KOs) ng South Africa noong Setyembre 29, 2019 sa Orient Theatre, East London, South Africa, kung saan ito na rin ang naging huling laban niya.
Sinubukang umapela ng kampo ng South African boxer matapos mapag-alamang gumamit ng illegal na ‘smelling salt’ ngunit mas pinaboran ng IBF Appeal Panel ang kampo ng Tajikistani para sa 12-round eliminator.