ni Gerard Peter - @Sports | January 24, 2021
Muling nakabalik sa winning performance ang Team Lakay fighter na si Lito “The Thunder” Adiwang matapos pabagsakin si Namiki Kawahara ng Japan sa pambungad na strawweight match, Biyernes ng gabi sa ONE: Unbreakable I sa Singapore Indoor Arena sa Singapore.
Bumitaw ng dumadagundong na kaliwang suntok sa panga si Adiwang sa papasugod na Japanese fighter sa 2:57 ng 2nd round para makabawi sa masaklap na split decision defeat sa isa pang hapones na si Hiroba Minowa noong Nobyembre 13, 2020 sa ONE: Inside the Matrix 3.
Ipinalasap ni Adiwang ang kumbinasyong suntok at sipa laban sa karate-style na kalaban. Ngunit kahit pa man bumibitaw ito ng mga banat ay maingat pa rin ito sa mga patama upang makasigurong may matitiyempuhan ang delikadong Japanese striker na unang beses sumabak sa ONE Championship kasunod ng 2-fight winning streak.
Maingat na nagpapatama si Adiwang ng leg kicks na sinusundan ng mga suntok at ilang bitaw na roundhouse kicks sa simula ng salpukan. Sa pagpasok ng 2nd round ay nagkaroon ng isang pagkakamali si Kawahara na agad nakita ni Adiwang para magpabagsak dito. “It's been tough for me, I'm very emotional coming into this fight. I know I'm got a lot of challenges entering this bout, I tested myself here, honestly, this is the toughest fight I faced. I was not able to prepare well but to God be the glory for the win,” wika ni Adiwang na emosyonal sa panayam sa kanya ni Mitch Chilson sa post-bout interview, na inaalay ang kanyang laban sa namayapang ina noong Disyembre 2020. “To my family, we’ve been through a lot, I love you so much. This is for you, this is for you mama.”
Nagkaroon naman ng bagong kampeon sa ONE bantamweight kickboxing nang patumbahin ni Capitan Petchyindee Academy ng Thailand ang dating kampeon na si Alaverdi “Babyface Killer” Ramazanov ng Russia sa 1:56 ng 2nd round ng hindi ito makabangon sa countdown dahil sa mga malulupit na kumbinasyon ng suntok at sipa sa katawan at ulo ng Thai fighter.
Nagpamalas ng kakaibang kahusayan sa submission si dating ONE lightweight champion Shinya “Tobikan Judan” Aoki ng Japan nang itala nito ang bagong record na 29th submission victory sa ONE Championship nang tapusin si American James Nakashima sa bisa ng Neck crank habang nakaangkas sa likod ni Nakashima mula sa back-locked body triangle. Dahil sa panalong ito ay lumakas ang tsansang makuha muli ang nawalang titulo laban kay ONE Lightweight champion Christian Lee.