ni Gerard Peter - @Sports | January 27, 2021
Bren lang ang malakas! Ito marahil ang pinatunayan ng koponan ng Bren Esports upang lampasan ang matinding pakikipagtuos laban sa Burmese Ghouls ng Myanmar, 4-3, linggo ng gabi, upang makamit ang World title ng Mobile Legends: Bang bang (MLBB) M2 World Championships sa Singapore.
Naitala marahil ng Bren ang isa sa pinakamalaking tagumpay, upang takpan ang panalong kinuha sa The Nationals Season 2 noong 2020, para hamigin ang $140,000.00 o mahigit P6.7 million na price money, kasama ang mapipiling skin ng isang hero na may tatak ng kanilang koponan.
Sumandal sa pamumuno ni KarlTzy ang koponan ng Bren upang pangunahan ang panalo sa huling dalawang laro para sa best-of-seven series para makabawi sa Burmese Ghouls na kumatay sa kanila noong first round ng playoffs, dahilan upang bumagsak ito sa lower bracket. Ngunit hindi nagpatinag ang Filipino group na karamihan ng miyembro ay naka-gold medal sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa bansa.
Maagang nagpamalas ng lakas ang Bren nang kunin ang 19-15 na panalo sa game 1 mula sa mga hero na claude (KarlTzy), Mathilda (Pheww), Baxia (FlapTzy), alice (ribo) at atlas (Lusty), habang ang lopsided na 26-4 sa game 2 gamit ang mga hero na sina Yi Sun-Shin (KarlTzy), Selena (Pheww), Baxia (FlapTzy), Pharsa (ribo) at Chou (Lusty). Subalit kumunekta ng tatlong sunod na panalo ang Burmese Ghouls sa 11-8 sa game 3, 22-18 sa game 4 at 20-12 sa Game 5.
Ipinagpatuloy ni KarlTzy ang magandang laro sa deciding battle ng dominahin niya ang buong laro. Sinubukang painan ng Burmese Ghouls ang hero ni KarlTzy, ngunit pumalya ito. Tinapos ng Bren ang laban sa pamamagitan ng pagbasag sa mid turret ng kalaban habang tinagpas ng mga ito ang apat na hero’s ng kalaban para tuluyang makuha ang panalo sa M2 World Championships 2021.
Itinanghal bilang finals MVP si KarlTzy na may nakuhang papremyong $3,000.00, habang nakuha ng Burmese ang runner-up price sa larong sinasabing ‘greatest show’ sa kasaysayan ng MLBB esports na nagbigay ng napakagandang laro sa mga Filipino na nagmula sa mababang puwesto para sa kampeonato.