ni Gerard Peter - @Sports | January 31, 2021
Pambuwena-manong panalo ngayong taon ang ibinulsa ni dating national karateka Orencio James “OJ” De los Santos nang mapagwagian ang kampeonato sa katatapos lang na 2021 Sportsdata eTournament World Series #1 online competition.
Ito ang kauna-unahang gintong medalya ng kasalukuyang World No.1 online karateka para sa taong 2021, matapos ang matagumpay na pagsukbit ng kabuuang 36 gold medals noong 2020.
Winalis ng 30-anyos na dating 2017 Southeast Asian Games Individual kata bronze medalist ang mga kalaban mula France, Norway, Germany at South Africa para magsilbing motibasyon pa sa mga darating na online-virtual meet sa hinaharap.
“Winning my first gold in the most prestigious virtual karate tournament is a great motivator for me to start this year,” wika ng De La Salle University graduate sa panayam ng Bulgar sa online interview.
Unang sinipa nito sa kompetisyon si Frenchman Nicolas Perea sa iskor na 24.9-23 sa Round of 16, sabay sinunod na payukuin si Norwegian Cornelius Johnsen via 24.5-23.1 sa quarterfinals. Nilampaso naman nito sa semifinal match si Bayersicher Karate Bund E.V. representative Nawapon Pattanasakoo sa pamamagitan ng 24.6-23.8, habang kinumpleto nito ang championship match laban sa isa sa mahigpit na katunggali na si South African Silvio Cerone-Biagioni sa final score na 25.3-24.5.
Bago matapos ang 2020 ay nagawa pang kumana nito ng tatlong magkakasunod na Grand Winner Titles sa pamamagitan ng Katana International League #5 – Super Final, Golden League Karate E-Tournament #4 – Grand Final at E-Karate Games Grand Winner 2020.
Ilan sa mga naging kampeonato ng multi-titlist ng Philippine National Games (PNG) nung nakaraang taon ay ang Okinawa E-Tournament World Series #3, 3rd Dutch Open E-Tournament at Athlete’s E-Tournament, 3rd leg ng E-Champions Trophy Series, ang unang hat trick nito na ROME International ENDAS Karate Cup, 2nd Euro Grand Prix at E-Karate Games #3. Ang ika-26th titulo sa Venice Cup 2020 #3 E-kata Tournament ranked event-cash award, Katana Intercontinental Karate League E-Tournament #4 E-Kata Seniors male 16-years and older Top 8, 5th edition ng SportData eTournament World Series, at ang mga tagumpay sa Golden League Karate E-Tournament #3, E-Champions Trophy World Series 2, Okinawa, Nox Dojo Markham City Open eTournament at Athlete’s E-Tournament #2.