ni Gerard Peter - @Sports | February 5, 2021
Patuloy na isinusulong ang konsepto ng kahalagahan ng pampalakasan hindi lamang sa mga kabataan, bagkus ay sa pangkalahatan upang mapanatili ang kaliwanagan ng isipan mula sa malakas na pangangatawan.
Nagiging mas madaling ipahatid at ituro sa mga kabataan sa tulong ng kanilang mga guro, magulang at coaches ang mga basic instructions at ehersisyong inihahatid ng dalawa sa respetado at multi-awarded athletes na sina volleyball superstar Alyssa Valdez at Southeast Asian Games champion Japoy Lizardo na halinhinang itinuturo ang 4 na klase ng easy-to-do-it na exercise sa loob ng 6-na minuto sa kanilang YouTube channel na umabot na sa mahigit 38 million na manonood sa buong bansa.
Muling nagsanib-pwersa ang Milo Philippines at Department of Education (DepEd) upang mas lalo pang ilapit sa marami, higit na sa mga kabataan ang pagtataguyod ng pampalakasan mula sa paglulunsad ng Milo Champion Habit via online.
“We always believe that active kids are better learners, that’s why with our programs shifted into digital based, we launched another way to help our kids boost their lifestyle into healthier and better performers in school and in sports,” pahayag ni Lester Castillo, Asst. Vice president ng Nestle Philippines – Milo, kasama si Milo Ambassador Japoy Lizardo, kahapon ng umaga sa lingguhang TOPS: Usapang Sports na live na napanood at napakinggan via Sports on Air. “It’s easiest way to inspire our kids to do active and do even more at the expense of their own home. Everyone can do it before or after their online classes,” dagdag ni Castillo.
Malaking papel ang ginagampanan ng DepEd sa mandatong bigyang prayoridad ang sports, na napapabilang sa mga polisiya ng estado kaakibat ang iba pang mga mahahalagang pinag-aaralan kasama ang edukasyon, kultura, sining, agham at teknolohiya.
“Yung konsepto ng pagpapahalaga sa sports o pag-engage sa physical activities, sports competitions ay isang mandato na nakapaloob mismo sa ating saligang batas. Iyan ay isang polisiya ng ating estado na bigyang prayoridad ang pampalakasan…mahalaga po ang mga paggalaw at physical activities sa konteksto ng palakasan, dahil ayan po ang itinatadhana ng batas,” paliwanag ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali sa programang hatid ng PSC, PAGCOR at GAB). “Kaya kami ay nagpapasalamat sa Milo Philippines, dahil kahit sa panahon ng pandemya, dahil sa kanila natutulungan nila ang kagawaran ng edukasyon kung papaano maisulong at maisakatuparan ang mandatong ito, sa pamamaraan katulad po ng Milo Champion habit.”
Ito rin ang klase ng pamamaraan na ginagamit ng dating national team member na si Lizardo sa kanyang mga estudyante sa taekwondo, kung saan kahit na nasa bahay lamang ang lahat ay nagagawa pa ring magabayan at maturuan sa paggamit ng panibagong platform sa panahon ng pandemic gamit ang teknolohiya ng online virtual.