ni Gerard Peter - @Sports | February 12, 2021
Muling sumipa ng panibagong gintong medalya si dating national karateka Orencio James “OJ” De Los Santos sa katatapos lang na 1st Inner Strength Martial Arts International eTournament, habang humataw ng kambal na titulo si Fatima A-Isha Lim Hamsain sa parehong torneo.
Bumanat ang 30-anyos na dating 2017 Southeast Asian Games Individual kata bronze medalist ng ikalawang gintong medalya ngayong taon laban sa mga katunggali mula sa United Kingdom, Switzerland at Slovenia.
Sinibak ng De La Salle University graduate si George Phillips ng United Kingdom sa bisa ng 25-22.4 sa quarterfinal round at sunod na natakasan si Matias Moreno Domont ng Switzerland sa pamamagitan ng 24.7-24 sa semifinals, habang tinapos nito ang laban kay Nejc Sternisa ng Slovenia sa championship 25.4-24.6
Naibulsa ni Hamsain ang magkahiwalay na kampeonato sa Female under-16 at under-18 category ng talunin nito sa unang kategorya si Jelizaveta Vasiljeva ng Latvia, 24.1-23.8 sa finals, habang kinalawit nito ang titulo sa mas mataas na kategorya ng takasan si Marie Zinecker ng Germany, 24-23.5 sa championship round.
“I'm very happy to win my second gold for this year, and also proud to see Fatima taking a challenge on herself by joining the older age categories, and ends up winning double gold in the process,” pahayag ni De Los Santos sa panayam ng Bulgar sa online interview. “This will further boost our position in the eKata world rankings and I'm also excited that they will be giving actual medals for this e-tournament. I'm very thankful for the support given to us,” dagdag ni De Lo santos.
Bago matapos ang buwan ng Enero ay ibinulsa ng dating Philippine National Games multi-titlist ang kanyang kauna-unahang gintong medalya ngayon taon sa 2021 Sportsdata eTournament World Series #1 online competition, upang mas lalong pang patibayin ni De Los Santos ang kanyang pamumuno sa world rankings.