ni Gerard Peter - @Sports | March 17, 2021
Iba nga talaga magbiro ang tadhana para kay ONE women’s Atomweight No.1 contender Denice “The Menace” Zamboanga dahil ang pinaka-aabangan at pinaka-eksperyensyadong fighter na si dating UFC fighter at Road FC women’s Atomweight champion Seo Hee “Hamderlei Silva” Ham ng South Korea ang unang susubok sa tatag at tikas ng undefeated Pinay sa ONE Grand Prix na magsisimula sa Mayo 28.
Tila iginuhit ng tadhana ang maaagang pagtatapat ng isa sa mga itinuturing na paghahandaan ng husto ng 24-anyos na Sentoukaikan Karate fighter dahil sa lawak ng karanasan nito sa larangan ng mixed martial arts. “Siya (Ham) sa tingin ko ang pinaka-aabangan ko talaga kase siya yung No.1 atomweight in the world. Siya rin yung may pinakamaraming experience sa aming walo, gayundin yung taga-US (Alyse Anderson) at yung tiga-Japan (Itsuki Hirata), halos lahat pero sa akin yung si Ham,” esplika ni Zamboanga sa Sports on Air podcast.
Nakahanda ang 5-foot-2 Pinay fighter na paghahandaan ng todo at aaralin lahat ang mga kakayanan at kayang gawin sa laban ng dating DEEP, Smackgirl, ROAD FC at Jewels fighter, dahil paniguradong ito na marahil ang isa sa mga mabibigat na kalaban niya sa unang round pa lamang.
Hindi biro umano ang mga makakatapat niyang mga katunggali sa Grand Prix, dahil sakaling makalampas man ito sa mabigat na pagsubok sa unang round ay maaaring makatapat nito ang magwawagi kina dating ONE Atomweight Muay Thai at Kickboxing World champion Stamp “Nong Stomp” Fairtex (5-1) ng Thailand at Ukrainian fighter Alyona Rassohyna (13-4).