ni Gerard Peter - @Sports | March 24, 2021
Isang malungkot na balita ang yumanig sa mundo ng sports na Judo sa biglaang pagpanaw ng isa sa pinaka-sikat na manlalaro nito sa kasaysayan na si 1992 Barcelona Olympics gold medalist Toshihiko Koga, Miyerkules, sa edad na 53-anyos.
Ipinaalam ng Japanese broadcast channel na NHK ang masamang balita sa hindi inaasahang pamamaalam ng Japanese judoka sa hindi pa malamang dahilan ng pagkawala, ngunit sinabi ng naturang news agency na napagaling na ang 3-time World Champion sa sakit na cancer nung isang taon.
“I remember clearly how he was the captain of the Japanese team for the 1992 Barcelona Olympics and ended up winning the gold medal despite hurting his knee,” wika ni Chief Cabinet Secretary Katsunobu Kato sa naganap na news briefing nitong Miyerkules. “He was so young, and the news of his death is such a shame. I express my deepest condolences.”
Nagkampeon ang Japanese judo legend sa under-71kgs men’s lightweight division sa Barcelona Olympics ng talunin niya sa final round si Bertalan Hajtos ng Hungary. Muli itong bumalik sa 1996 Atlanta Olympics upang sumabak naman sa men’s half-middleweight competition, ngunit hindi nito nakuha ang ikalawang sunod na gintong medalya sa Olympiad ng matalo ito sa championship match kay French Djamel Bouras.
Tatlong beses itong nag-uwi ng kampeonato sa World Championships noong 1989 Belgrade, Yugoslavia at 1991 Barcelona, Spain (lightweight category) at 1995 Chiba, Japan sa -78kgs division. Nanalo rin ito ng bronze medals nung 1987 Essen, Germany World Championship at 1990 Beijing, China Asian Games.