ni Gerard Peter - @Sports | March 31, 2021
Nakamit ni dating two-time Southeast Asian Games medalist Orencio James “OJ” De Los Santos ang kanyang ika-12th gintong medalya ngayong taon, habang muling nagpamalas ang teen sensation na si Fatima A-Isha Lim Hamsain sa pagkapanalo ng kambal na titulo sa 2021 Kamikaze Karate E-Tournament.
Pinatumba ng 31-anyos anyos na dating national team member si Domont Matias Moreno ng Karate-Do Biel-Bienne ng Switzerland sa pamamagitan ng 25-24.5 iskor sa championship round ng e-kata Individual Male Seniors event, ngunit bago rito ay dinaig niya si Alfredo Bustamante ng Miyagiken International Karate Academy ng U.S. sa semifinals bout.
Ito na ang ika-48 titulo ng 8-time national games champion kasunod ng panalo sa 2nd leg ng Budva Winner-Adria Cup, 2nd Leg ng E-Karate World Series, #2 Katana Intercontinental league Paris, 2nd leg ng Sportsdata e-tournament World series, Adidas US Karate Open E-Tournament nung isang buwan, habang nanalo rin ito ng gintong medalya sa Athlete’s E-Tournament Series #1, at Budva Winner-Aria Cup #1 eTournament, habang nakuha nito ang pinakamataas na puntos sa online-virtual competition sa 1st leg ng Katana International League.
“I’m very happy winning my 12th gold medal; I really plan to continue the streak and maintain the no. 1 spot. Not only that, but I’m also very proud of my kata student Fatima, who just won double gold in the U16 and U18 female category of the same tournament,” wika ni De Los Santos sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging.
Hindi naman mapigilan sa pagningning ang 14-anyos mula Cayetano Memorial Science and Technology High School nang ibulsa ang magkahiwalay na gold medal sa e-kata Individual Female under-18 nang pabagsakin si Elisa Dominijanni ng A.S.D.Roma 12 ng Italy sa final round via 24.7-23.8, habang muli nitong tinalo ang Italian karateka sa e-kata Individual Female Under-16 event sa iskor na 24.8-23.6
Sa nakalipas na 2nd leg ng Budva Winner-Adria Cup ay kumana ito ng tig-isang gold at bronze saunder-16 women’s kata at U-18 category. Bumanat rin ito ng kambal na gintong medalya sa 2nd Leg ng E-Karate World Series.