ni Gerard Peter - @Sports | April 16, 2021
Ipinagpaliban muna ang mga laro ng Chooks-to-Go Vis-Min Super Cup, Huwebes, kasunod ng kontrobersyal na laban sa pagitan ng ARQ Builders Lapu Lapu City Heroes at Siquijor Mystics na nagtapos sa dalawang quarters noong Miyerkules ng hapon.
Hindi muna natuloy kahapon ang bakbakan sa pagitan ng KCS Computer City Mandaue City at Tabogon Voyagers sa 2:00 pm schedule, MJAS Zenith Talisay City Aquastars at Mystics na nakatakda sa second game sa 5:00pm at ang main game na salpukan ng Tubigon Bohol Mariners at Dumaguete Warriors sa 8:00 pm.
Gayunpaman, muling ipapalabas ang mga laban ng Computer Specialist at Voyagers, Biyernes ng 4:00pm at salpukan ng Mariners at Warriors sa 7:00pm.
Ipinatigil ang laban ng Lapu Lapu City Heroes at Mystics bago magsimula ang second half matapos magkaroon ng technical difficulties bunsod ng pagkawala ng kuryente sa Alcantara Civic Center sa Cebu. Lamang noon ang Lapu Lapu Heroes sa pagtatapos ng halftime sa 27-13 ng biglang mawala ang buong kuryente.
Subalit, kapansin-pansin umano ang takbo ng laro na tila mayroong kakaibang napansin ang mga manonood at taga-hanga sa naging laban. Dahilan upang magsagawa ng isang imbestigasyon ang pamunuan ng Games and Amusement Board (GAB).
Ayon sa ulat na inilabas ng batikan at nirerepestong sports columnist at writer na si “The Dean” Quinito Henson sa kanyang twitter account nitong Biyernes, sinabi nitong tuluyan ng pinagbabawalan ang koponan ng Siquijor Mystics at pagsuspinde ng ilang manlalaro ng Heroes dahil sa kontrobersyal na laro.
“GAB Chairman (Abraham) Mitra said Siquijor has been banned from Vis-Min Cup and Some Lapu Lapu players will be suspended in wake of farcical game that was called off at halftime in Alcantara, Cebu yesterday – through probe will be made and charges may be filed – what a disgrace to game!”
Habang isinusulat ang istoryang ito, inihayag ni Vis-Min Chief Operating Officer (COO) Rocky Chan na maglalabas sila ng official statement sa naturang hakbang. Tumanggi itong magpa-interview sa Bulgar Sports at hintayin na lamang ang kanilang posisyon sa kontrobersyal na pangyayari.“We will come out with official statement. After that official statement, then I can do an interview,” pahayag ni Chan.