ni Gerard Peter - @Sports | April 18, 2021
Umaasa ang Philippine national fencing team na mapagtatagumpayan nilang makapagpadala ng kauna-unahang manlalaro sa Summer Olympic Games sa pagsabak ng 6-man hopefuls sa Asia-Oceania Olympic Qualifying Tournament simula Abril 25-26 sa Tashkent, Uzbekistan.
Paglalabanan ng maraming bansa ang nag-iisang pwesto para sa bawat kategorya na bubuuin nina 2019 SEAG gold medalist Jylyn Nicanor at CJ Concepcion sa Sabre event, SEAG Ream epee champion Hanniel Abella at individual epee bronze medalist Noelito Jose para sa paboritong event at biennial meet 2nd runner-up Nathaniel Perez at Penn State University standout at dating UAAP juniors MVP Samantha Catantan na makikipagtagisan sa foil event. Gagabayan sila nina national head coach Roland Canlas at Armand Bernal.
Inamin ni Philippine Fencing Association (PFA) president Dr. Richard Gomez na malaking tulong ang ibinigay na pondo at pag-apruba ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ginanap na ‘bubble training camp’ sa Ormoc City, kung saan namalagi ang 20 fencers ng ilang buwan upang magsanay para sa huling qualifying tournament para sa 2021 Tokyo Olympics sa Hulyo 24-Agosto 9 sa Japan.
Sinabi ng 55-anyos na actor, sportsman, director, leader at public-servant na dahil sa paglobo ng COVID-19 sa NCR, ay napilitan silang dalhin ang mga atleta sa Ormoc City at malayo sa distraksyon at panganib.
“Hopefully maging maganda yung performance nila roon at ipagdarasal natin sila,” pahayag ni Gomez sa TOPS: Usapang Sports special edition kahapon ng umaga sa Sports on Air via zoom. “Lahat sila naghanda talaga and they tried thir best na makapag-perform nang mabuti. Ang laro kase ng fencing, kung maganda talaga ang gising mo, maganda talaga 'yung laro mo, at posibleng makakuha ng Olympic slot, which we are praying for na pagdating nila ng Tashkent, I’m hoping na makapaglaro sila ng mabuti, dahil matagal na tayong walang napapadalang fencer sa Olympics and I’m hoping this time mayroon tayong maipadala from this batch,” dagdag ni Gomez.