ni Gerard Peter - @Sports | May 1, 2021
Tila tumpak ang mga koponan na katunggali ng MJAS Zenith-Talisay City Aquastars na sila ang ‘team-to-beat’ bago pa man magsimula ang liga at makalipas ang dalawang round ng eliminasyon ay nanatiling walang talo sa 10 laro matapos isubsob sa lusak ang ARQ Builders Lapu-Lapu City Heroes, 99-62, Huwebes ng hapon, para tuluyang dumiretso sa championship round ng Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.
Maghihintay na lamang ng makakalaban para sa best-of-three finals ang Talisay City Aquastars laban sa limang iba pa sa quarterfinals at step-ladder semifinals. Rumehistro ng 22 puntos si dating Adamson Falcons shooter Patrick Cabahug, kaantabay ang 3 rebounds habang sinegundahan nina Shane Menina sa 11 points, Allan Santos sa 10pts. at ni team captain Paolo Hubalde sa 13 assists, kasama ang 6pts. Nanguna si Ferdinand Lusdoc para sa Lapu-Lapu City Heroes sa 12pts na bumagsak sa 4-5 panalo-talo. “Malaking bagay sa amin na makuha namin yung sweep para makapahinga kami,” pahayag ni Aquastars head coach Aldrin Morante. “Siguro masasabi ko lang is all of this is because of the players. They deserve to rest.”
Maghihintay ang No.2 ranked at semifinalist na KCS Computer Specialist Mandaue City sa isang twice-to-beat advantage sa mananalo sa Lapu-Lapu City Heroes, Tabogon Voyagers, Tubigon Mariners at Dumaguete Warriors na maglalaban para sa knockout games. Nakatakdang magtapat ang No.3 laban sa No. 6, at No. 4 na tatapatan ang no. 5, para sa mananatiling matibay para kaharapin ang Mandaue City.