ni Gerard Peter - @Sports | May 03, 2021
Napanatili ni 2016 Rio de Janeiro Olympian boxer Charly Suarez ang malinis na kartada sa kanyang professional boxing career nang pasukuin sa 4th round si Pablito Canada Jr., Sabado, sa main event ng VSP Boxing na ginanap sa Urdaneta Cultural Sports Complex sa Pangasinan.
Pina-ayaw ng 32-anyos mula Sawata, Davao del Norte ang mas batang boksingero sa edad na 26-anyos mula Sampaloc, Manila sa 4th round ng kanilang 6th round super-featherweight bout nang magsimulang maghagis ng tuwalya ang kampo kasunod ng gulping inabot sa laban.
Nakatakda sanang makalaban ng 3-time SEA Games gold medalist ang Puerto Princesa City, Palawan-native na si Lorence Rosas, ngunit sa kasamaang palad ay tinamaan ito ng sikat na sakit kaya’t iniatras sa laban, habang ang makakalaban din sana ni Canada Jr. ay tinanggal rin sa boxing card na siyang dahilan ng biglaang pagtatapat ng dalawa.
“Praise the Lord for the victory ba ibinigay niya po sa akin. Ang tanging plano lang talaga namin is laruin kung ano yung naaakma ng galaw niya tsaka namin gagawin yung atake namin,” pahayag ni Suarez sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging na umakyat sa 6-0 (5KOs) ang kanyang marka.
Pinahirapan ni Suarez si Canada Jr sa mga binitawang kumbinasyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ulo na naging dahilan upang mangapa ng todo ito sa diskarte ng Philippine national team member.
Ilang mga matitinding birada ang binitawan ng 2014 Incheon Asian Games silver medalist sa Pagadian City, Zamboanga del Sur-native para mapaluhod ito at sumubsub sa katawan ni Suarez upang maiwasan ang pagbagsak. Ngunit nagpatuloy sa atake si Suarez sa 4th round sa mga binitawang kaliwa’t kanang combination hook upang tuluyang umayaw ito sa nalalabing 16 segundo sa ika-4th round. “Wala naman pong plano na pabagsakin. Undercard dapat siya sa laban ko kaso nagkasakit kase yung dalawang boxer’s kaya kami ang naglaban,” esplika ni Suarez.