ni Gerard Peter - @Sports | June 18, 2021
Hindi man naging matagumpay ang Philippine national surfing team sa nakalipas na Olympic Qualifying Tournament sa El Salvador, tila nailagay naman ng mga Filipinong atleta sa mapa ng buong mundo ang bansa pagdating sa nasabing pampalakasan dahil sa mahusay na pagpapakitang gilas kontra sa pinakamahuhusay na surfers sa maalong katubigan ng mundo.
Hindi inaasahan ni coach Ian Saguan ang impresibong performance ng mga Filipinong surfers na kayang makipagsabayan sa mga tinitingala lang noon na professional surfers sa buong mundo. Kahit na walang nakalusot na Pinoy surfers sa shortboard category sa 2020+1 Tokyo Olympics na nakatakdang simulan sa Hulyo 24-Agosto 8, nagagalak pa rin si Saguan sa naging resulta ng kanilang mga laro.
“Very surprising, personally, di ko ine-expect na ganun na pala ang surfing natin sa Pilipinas kase unang-una yung mga kalaban nilang surfers na tinitingala nila noon, eh ngayon, personal na nilang nakakalaban. So, nakakatuwa lang kase dahil sa mga athletes na ito, nailagay tayo sa mapa ng world surfng, na ang Pilipinas is capable to compete, na mayroon tayong mga athletes dito na hindi basta basta rin,” pahayag ni Saguan, kasama si surfer Nilbie Blancada, kahapon ng umaga sa weekly TOPS Usapang Sports on Air webcast.
Nakasama ni Blancada sa El Sunzal at La Bocana sa El Salvador sa 7-day qualifying tourney sina John Mark Tokong, Edito Alcala, Jr., Daisy Valdez, Vea Estrellado at Jay-R Esquivel na ginawang lahat ng pinoy surfers ang lahat ng makakaya upang makapasok sa Summer Olympic Games na tanging isang surfer lang sa isang rehiyon ang makakapasok sa Olympiad.
Pinangarap ng 2019 Southeast Asian Games shortboard gold medalist na makuha ang isang slot sa prestihiyosong palaro na unang beses na gagawin sa Olympics, kung saan nagtapos ang kanyang karera sa Repechage match.
“Ang target ko talaga ay makapasok sa Olympics. Ginawa ko naman ang lahat pero para sa akin okay lang naman. Siguro hindi pa para sa akin sa ngayon. Pero di kami titigil hanggang di ko makuha yung pangarap ko,” saad ni Blancada na nagsimulang maging surfer sa edad na 14-anyos mula Siargao.