ni Gerard Arce @Sports | April 17, 2024

Sentro ng atensyon ng Philippine national fencing team ang magawang makapagkuwalipika sa 2024 Paris Olympics na ibabandera ni dating Southeast Asian Games champion at Penn State University captain Samantha Catantan para sa darating na Asia-Oceania Olympic Qualification Tournament simula Abril 27-28 sa Zayed Sports Complex sa Fujairah, United Arab Emirates.
Tutusok sa ikalawang pagkakataon ang 22-anyos na Pinay fencer na minsang sumubok na makapasok sa 2020+1 Tokyo Olympics, subalit bahagyang kinapos ng makuha ng mahigpit na karibal nito sa Timog Silangang Asya na si Amita Berthier ng Singapore ang isang silya sa Olympiad para sa Asian spot.
Makakasamang susubok ng 31st Hanoi SEAG meet ang mga dating kakampi sa University of the East na sina Nathaniel Perez ng men’s foil at Hanniel Abella ng women’s epee, habang lalaban rin para makapasok sa Summer Olympic Games si Noelito Jose sa men’s epee.
Itinuturing na No.1 foil fencer ng bansa si Catantann a kasalukuyang kumukuha ng kursong Accountancy sa Penn State Nittany Lions, kung saan hindi masyadong pinalad ito sa nagdaang US National Collegiate Athletic Association (NCAA) Fencing Tournament na ginanap nung Marso 22 sa French Field House sa Columbus, Ohio, kung saan tunapos lamang ito sa ika-10th place sa paboritong event kontra sa 24 fencers.
Mabigat ang kakaharaping pagsubok ng dating UAAP juniors MVP dahil kinakailangan nitong magwagi ng ginto sa naturang kategorya matapos pumalyang makapaglaro sa mga nagdaang kwalipikasyon dulot ng tinamong injuries.
Nitong nagdaang 2023 biennial meet na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia, nagawang tumapos ni Catantan ng runner-up finish matapos hindi na magawang makalaban pa sa finals kontra kay Maxine Wong ng Singapore dulot ng injury.