ni Gerard Arce @Sports | May 27, 2024
Lumikha ng dinastiya ang College of Saint Benilde Lady Blazers nang itala ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato kabilang ang makasaysayang 40th straight na panalo matapos walisin ang katunggaling Letran Lady Knights sa bisa ng 25-18, 25-`7, 25-18 sa women’s volleyball, habang nakamit ng University of Perpetual Help System Dalta Altas ang pambihirang four-peat na korona para sa 25-14, 25-22, 29-27 straight set laban sa Aguinaldo College sa men’s class sa pagtatapos ng 99th NCAA volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Rumatsada para sa bagong 11-0 rekord ngayong season si Gayle Pascual sa 15 puntos upang hiranging two-time Finals MVP kasunod ng naitalang 135.83 statistical points, habang sumegunda ang bagong sasandalan ng koponan na si Wielyn Estoque sa 11 puntos.
Nag-ambag din sa CSB Lady Blazers sina last season Finals MVP Jade Gentapa at Michelle Gamit na may tig-8 puntos, middle blocker Zamantha Nolasco sa 7 puntos, floor defender Fional Getigan sa 10 excellent digs at 7 excellent receptions at season Best Setter at season MVP Cloanne Mondonedo na may 16 excellent sets. “The seniors eager silang tapusin yung sinimulan nilang trabaho and they want to go out with a bang at yung mga bata gusto nilang sundan 'yung yapak ng mga seniors nila,” pahayag ni season Best Coach Jerry Yee matapos ang laro.
Lubos naman ang pasasalamat ni outgoing ace playmaker Mondonedo sa parangal bilang kauna-unahang setter na nagwagi ng MVP plum at ang Best Setter award. “Sobrang overwhelmed and excited akong maglaro kanina kase andito sila (Family). Every year naman iba’t iba yung pinagdadaanan namin kada season eh, may mga lapses every season, may mga nawawala kada season, pero napupunan naman ng bawat isa sa amin,” wika ni Mondonedo na iiwanang kampeon ang koponan kasama sina Pascual, Gamit, at Gentapa kaantabay ang malinis na kartada.