ni GA @Sports | September 2, 2023
Tuluyang nalaglag sa preliminaries ang Philippine Team-National University Lady Bulldogs matapos walisin ng multi-time champion na China sa bisa ng straight set 15-25, 20-25, 17-25 para sa ikalawang sunod na pagkatalo noong Huwebes ng gabi sa 22nd Asian Seniors Women’s Volleyball Championships sa Chartchai Hall of The Mall sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.
Hindi umubra ang mga banat ni international Best Opposite spiker Alyssa Solomon sa mga nagtatangkarang manlalaro ng Chinese squad matapos mahirapang mapigilan ng Philippine national squad na binubuo ng karamihan sa NU Lady Bulldogs ang mga atake ng Chinese volleybelles na pinangunahan ni Wu Mengjie, habang palyado rin sa mga atake ang national squad dahil sa matitinding butata na inaabot sa mahahabang galamay ng Chinese blockers.
Naging madali para sa China na tapusin ang first set, subalit pilit na nakipagsabayan ang NU-Phils sa second set nang madala pa nila 16-16 ang laro. Gayunpaman, nahirapan pa ring maiahon ng 6-foot-1 na best opposite hitter ng 2023 Southeast Asian Women’s V-League ang koponan upang muling bumagsak sa second set.
Patuloy na naramdaman ng Pilipinas ang hagupit na atake ng China nang magpakawala ito ng 16 puntos mula sa atake kumpara sa 10 lang ng NU-laden squad, habang mas marami itong errors sa lima laban sa tatlo ng China at muling nakalamang sa blocking department sa 4-3.
Nabulilyaso sa opening game ng national squad ang panalo kontra Kazakhstan ng madale sila ng come-from-behind pagkatalo sa 25-21, 17-25, 24-26, 27-25, 15-6 nitong Miyerkules ng gabi para mabalewala ang 30 puntos na ginawa ni Evangeline Alinsug mula sa 28 atake at tig-isang ace at block, habang may 20 puntos si Mhicaela Belen at 14pts si Solomon.