ni Clyde Mariano / GA @Sports | September 6, 2023
Pitong manlalaro mula sa katatapos lang na 2023 FIBA World Cup ang kabilang sa listahan ng mga manlalarong isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China habang kabilang ang dalawang naturalized players na sina Ange Kouame at Justin Brownlee.
Inilabas ni POC President Abraham 'Bambol' Tolentino ang pinal na listahan ng mga atleta para sa 39 sports na isasabak sa Asiad meet na nakatakdang simulan sa Set. 23 hanggang Oktubre 8.
Gayunpaman, inanunsiyo ng Philippine Basketball Association (PBA) na magkakaroon ng pinal na listahan at coaching staff nito sa Huwebes, kasunod na rin ng resignasyon ni coach Chot Reyes at pagtanggi ni Brgy. Ginebra coach Tim Cone na humalili sa bakanteng pwesto. “The deadline for the Entry by Names [EBN] was last July 25 and whatever list a national Olympic committee submitted is deemed official,” pahayag ni Tolentino, na sinabing isasangguni pa sa Hangzhou Asian Games Organizing Committee ang mga gagawing pagbabago sa kanilang line-up.
Pareho namang maaaring ilagay sina Kouame at Brownlee sa listahan dahil parehong pinapayagan ng Asian Games ang mga ito sa kadahilanang may lehitimong Philippine Passport na tinataglay.
Dito tinitingnan ngayon kung maaaring maisama ang ibang Filipino-Foreign players na hindi kuwalipikado sa mahigpit na FIBA rules tulad nina Ginebra forward Christian Standhardinger at TT scorer Mikey Williams.
Parte rin ng koponan ang mga World Cup veterans na sina veterans Kiefer Ravena, Scottie Thompson, Roger Pogoy, June Mar Fajardo, CJ Perez, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo na ipinasa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), maging sina Chris Newsome, Calvin Oftana, at Brandon Ganuelas-Rosser.
Hindi naman kasama sa pinal na listahan ng Asian Games sina Filipino Asian-imports Dwight Ramos, Rhenz Abando, Kai Sotto, AJ Edu at naturalized player Jordan Clarkson.